Rey “Boom-Boom” Bautista, kumusta na kaya makaraang magretiro sa boxing?

Imahe mula sa ShowbizNest

Hindi lahat ng nagreretirong boksingero ay masaya sa kanilang kalagayan. May mga retirado kasing boksingero na halos walang naipon at dumarating sa punto na binebenta nila ang kanilang mga belts at ari-arian upang may maipantustos sa kanilang araw-araw na pamumuhay.

Ganito rin kaya ang sinapit ni dating boxing champion Rey “Boom-Boom” Bautista? Kumusta na kaya si Bautista na minsan din nating sinuportahan sa ibabaw ng lona kasunod ni Senador Manny Paquiao?

Lingid sa ilan na si Bautista ay isa nang ganap na sundalo bilang special enlisted sa Philippine Army na may ranggong private.

Bago naging sundalo huling lumaban noong September 5, 2013 sa Dubai World Trade Center ang Tagbilaran native kung saan pinadapa nito si  Juan  Martinez sa WBO International Featherweight Title via 7th round TKO.

Doon na rin siya nagdesisyon na magretiro sa boksing. Doon na rin nagsimula si Bautista bilang boxing trainer sa Philippine Air Force.

Imahe mula sa Major Alberto Cailo Caber – Philippine Army Facebook account

May mga nag-udyok kay Bautista na muling sumalang sa lona ngunit nanindigan ito sa kanyang desisyon. Pagtapos niya sa Air Force siya’y naging boxing coach na sa Philippine Military Academy at nagtuturo ng ilang academic subjects. Lingid din sa ilan na nakapagtapos si Bautista ng kursong Edukasyon.

Marso 2015 nang nakatakdang lumaban si Bautista ngunit mas pinili niya ang maging sundalo. Ito rin kasi ang pangarap ni Bautista at nais na rin niya ang magkaroon ng stable na trabaho.

Hindi naman nawala ang passion ni Bautista sa  boksing. Sa katunayan, nagsisilbi siya bilang  referee sa mga amateur boxing sa Baguio City.

Imahe mula sa Carlos Boado Facebook account

Si Bautista ay may record na 36 Wins (25 knockouts, 11 decisions), 3 Losses (2 decisions, 1 KO), 0 Draw sa kanyang karera bilang boksingero.

Sundalo man o boksingero, ang tiyak nito’y malaki ang maiaambag ni Bautista sa ating bansa. Kaya naman saludo kami kay Bautista sa patuloy na pagsisilbi sa bayan.