Public high school sa Imus, Cavite, naka-tiles ang buong field

Larawan mula sa Facebook post ni Arturo Rosaroso at ni Rose Rabino-Riva

Kung umani ng negatibong reaksiyon mula sa mga netizens ang comfort room na ginawang faculty room sa isang pampublikong paaralan sa Bacoor, Cavite, tila kabaligtaran naman ang sitwasyon sa isa pang pampublikong high school sa Imus, Cavite pagkat ginulat nito ang mga netizens dahil sa naka-tiles na school grounds nito.

Makikita sa Facebook post ng netizen at principal ng Imus National High School na si Arturo Rosaroso ang maaliwalas at malinis na field ng kanilang paaralan na pinalamutian ng tiles.

Larawan mula sa Facebook post ni Arturo Rosaroso

Sa mga larawang inupload ni Rosaroso sa kanyang account, kitang-kita ang kaayusan ng school pagkat ang malawak na field, maging ang stage nito, ay nababalutan ng kulay blue na tiles. Hindi rin mawawala ang mga halaman na nakatanim sa plant boxes at mga paso na lalong ginagawang picture perfect ang view ng eskwelahan.

Ipinagmamalaki ng punong-guro na si Rosaroso ang kanyang pinamumunuang paaralan at sinabing disiplina ang dahilan kung bakit mayroong pag-unlad sa Imus National High School.

“Sa lahat ng pumasok sa Imus National High School, dapat disiplinado ka dito. A culture of academic excellence and discipline,” sabi ni Rosaroso sa kanyang Facebook post.

Tuwang-tuwa naman ang mga alumni ng Imus National High School na nakikita ang malaking improvement ng kanilang alma mater.

“Thank you po sir Arturo Rosaroso. Napakalaki po ng improvement ng INHS. Sobrang nakakaproud graduate po kami sa school na yan,” pahayag ng isang netizen.

Ngunit maliban sa kalinisan at naka-tiles na school field, kamakailan ay nag-install din ng solar panels sa nasabing paaralan bilang bahagi ng kanilang energy conservation and efficiency program.

Nakatakda ring pasinayaan ang bagong gawang main gate at dalawang four-storey buildings na naglalaman ng mahigit 30 classrooms.

Larawan mula sa Facebook post ni Arturo Rosaroso

Nagbunga naman ang disiplina ng mga taga-Imus National High School pagkat maliban sa papuring nakukuha mula sa mga netizens, itinanghal din ng Gawad Kalasag ang paaralan bilang Best Secondary Public School sa buong Region IV-A.

Ayon kay Rosaroso, mas maraming proyektong pangkalinisan pa ang ilulunsad para sa mas komportableng paaralan sa mga estudyante ng kanilang bayan.