Paring centenarian, may apat na anak na lalaki na nagpari rin

Imahe mula sa Catholic News World

Bihira lamang mangyari sa kasaysayan ang pagkakaroon ng isang amang pari na may apat na anak na pari rin — kung kaya’t ang pangyayaring ito ay sinasabing dapat maitala sa mga record books.

Inordena bilang pari si Don Probo Vaccarini sa edad na 69 matapos lumisan ang asawa nitong si Anna Maria Vannucci. Nagkaroon sila ng pitong supling at apat dito ay kapwa mga katolikong pari rin na sina Don Giuseppe, Don Giovanni, Don Gioacchino, at Don Francesco.

Batay sa ulat ng Catholic News World, ipinagdiwang ni Catholic Priest Vaccarini ang kanyang ika-isang daang taong kaarawan noong Mayo 28, 2019 sa Rimini, Italy.

Imahe mula sa Newsrimini

Nang mabalo at dahil na rin sa paghikayat at suporta ng kanyang mga anak, nagdesisyon siyang kumuha ng ikalawang degree sa Theology bilang deboto rin ng kilalang Italian saint na si Padre Pio, at nakamit ang ordinasyon sa pagkapari noong siya’y 69-anyos sa basbas ni Bishop Giovanni Locatelli.

Mula nang maging pari, naglingkod siya sa San Martino, Venti; isang maliit na rural na komunidad malapit sa Adriatic Sea.

Imahe mula sa Catholic News World

Ibinalita rin ng online portal na “Newsrimini” na nagdiwang ang buong Diocese of Rimini sa ika-isang daang anibersaryo ni Fr. Vaccarini kasabay ng banal na misa sa pangunguna ni Bishop Francesco Lambiasi sa Basilica Cathedral ng Rimini at nagpahayag ng lubos na pasasalamat sa Panginoon sa regalo ng mahabang buhay kay Don Probo Vaccarini.

Si Don Probo ay isinilang noong Hunyo 4, 1919 at nakilahok sa Russian Campaign noong 1942 sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Sa edad na 33, ikinasal siya sa kanyang kasintahan at nagkaroon sila ng apat na anak na lalaki at tatlong babae. Siya ay patuloy na nagliligkod ngayon sa Parish of San Martino XX sa loob ng 25 taon.