Pakikipagkaibigan sa iyong ex, hindi raw magandang ideya

Larawan mula sa Pexels

Sa tuwing mayroong pusong nasasawi sanhi ng breakup ng magkasintahan, siguradong mayroon ding samahang matutuldukan.

Ito ang nais ipaliwanag ng isang artikulo mula sa Evie Magazine na dapat nang tuldukan ang komunikasyon sa iyong ex dahil maraming komplikasyon ang maidudulot nito sa iyong buhay.

Mayroong mga dahilang ibinahagi ang manunulat ng artikulo na si Faith Moore kung bakit kapag nangyari ang paghihiwalay ay hindi na dapat pang makipagkaibigan sa kanya.

Larawan mula sa Pexels

Unang ipinaliwanag ng may-akda na maaaring mayroon pa kayong nararamdaman sa isa’t isa kaya hindi na dapat kayong maging magkaibigan.

Kahit na nasa isang relasyon ka na, hindi maitatanggi na mayroon kayong magagandang alaala ng iyong ex. Kahit gaano pa raw kapait ang dahilan ng inyong hiwalayan, maaaring manaig pa rin ang masasayang nangyari sa inyong relasyon at baka maging dahilan pa ito upang hanapin mo ito sa iyong kasama sa kasalukuyan.

Kung ikaw ang nakipaghiwalay, hindi na rin dapat ituloy ang pakikipagkaibigan dahil magiging rason ito upang mahirapang maka-move on ang iyong ex. Kung siya naman ang nakipaghiwalay, hindi na rin dapat maging ‘friends’ pa dahil maaaring umaasa ka lang na magkakabalikan pa kayo na lalong ikahihirap ng damdamin mo.

Ikalawang punto ng artikulo, makaaapekto umano sa relasyon mo sa iyong current partner ang pakikipagkaibigan kay ex. Hindi na raw maiiwasan ng kasalukuyan mong kasintahan na maging ‘threat’ si ex sa inyong relasyon dahil nararamdaman niyang wala siyang laban sa mga nagawa ninyong alaala ni ex at kayo ay bumubuo pa lang ng sa inyo.

Maaari din umanong makaapekto sa iyong future partner ang pagkakaroon ng contact sa iyong ex dahil puwede niyang isipin na may nararamdaman ka pa rin sa kanya. Hindi raw magandang tignan na kung mayroong nanliligaw sa iyo o mayroon kang nililigawan pero patuloy ang pagtawag, pag-text, o pag-message sa iyo ni ex.

Larawan mula sa Pexels

Panghuli, maaaring makaapekto sa iyong pagmu-move on ang pakikipag-usap kay ex.

Kahit masakit ang naging paghihiwalay, hindi puwedeng hindi ka aasang baka puwede pa — lalo na kung nag-umpisa kayong magkaibigan muna bago nauwi sa relasyon. Masakit man, pero kailangan na raw ng distansya pagkatapos ng break up dahil tapos na ang yugto ng buhay ninyo para sa isa’t isa.

Gayunman, nilinaw naman ng may-akda na may exception sa lahat ng bagay, maging sa pakikipagkaibigan kay ex. Darating naman daw ang panahon na maghihilom ang lahat ng sugat ng nakaraan at sa wakas ay parehas na kayong nakalimot.

Sabi nga sa Psychology Today, “Remaining friends for the wrong reasons can end up hurting you both.” So move on na lang talaga muna at hayaang ang panahon ang magsabi kung posible pa kayong maging magkaibigan.