Pagpapangalan sa isang paaralan at ibayong pagpupugay para sa Bicolanong si Eddie Garcia




Imahe mula sa Wikipedia / Angelo6397
  • Nais ng isang solon na mabigyan ng military honors si Eddie “Manoy” Garcia
  • Naging sundalo at napabilang noon si Manoy sa Philippine Scouts
  • Nais ipangalan sa kaniya ang isang paaralan sa Sorsogon

Kailanman ay hindi nakalimot sa kaniyang pinanggalingan —sa probinsiya ng Sorsogon— ang batikang aktor na si Eddie “Manoy” Garcia.

At dahil isa siyang proud Bicolano na nakapag-ambag ng mabubuting gawa hindi lamang sa showbiz industry, maraming mga kapuwa niya Bicolano ang nagnanais na mabigyan ng ibayong pagpupugay ang batikang aktor na tuluyan nang namaalam nitong Hunyo 20.

Kabilang sa mga humihiling sa ating gobyerno na bigyan ng pagkilala si Manoy ay si Ako Bicol party-list Rep. Alfredo Gabin.

Imahe mula sa Wikipedia

Hiniling ni Gabin kay Pangulong Rodrigo Duterte na atasan ang hukbong-sandatahan na bigyan ng military honors at magsagawa ng half-mast flag honors para kay Manoy dahil nakapaglingkod noon ang beteranong aktor sa Philippine Scouts.

Inirerekomenda rin ni Gabin na gumawa ang Bicol University ng “Permanent Memorial Exhibit” at “Professorial Chair” sa College of Arts and Letters ng unibersidad. Nais niyang maipagpatuloy roon ang iniwang legacy ni Manoy sa larangan ng sining.

Ang Ako Bicol party-list ay inendorso ni Manoy noong nakaraang eleksiyon.

Samantala, pinanukala naman ni Senior Citizen party-lits Rep. Francisco Datol sa Department of Education (DepEd) na pumili ng isang public high school sa Sorsogon na tatawaging “Eddie V. Garcia Memorial National High School.”

Imahe mula sa Facebook page ng Bwakaw

Nakiramay rin ang Bicolanong si Vice President Leni Robredo sa pamilya at mga mahal sa buhay ng aktor. Kinilala niya ang pagiging haligi ni Manoy sa industriya ng telebisyon at pelikula.

Si Chiz Escudero, naihalal bilang gobernador ng Sorsogon, ay kinilala ang tatlong hari ng pelikulang Pilipino na tumutukoy kina Manoy, Dophy, at Da King. Ang tatlong artista ay kailanman ay hindi malilimutan umano ng sambayanang Pilipino.

Maraming salamat po, Mr. Eddie Garcia! Marami ang patuloy na humahanga sa iyong husay, talino, at malasakit. Ang iyong mga likhang-sining ay lubos naming ikinakarangal.