Pagbaba ng tubig sa Angat Dam, sanhi ng El Niño at deforestation – Environmentalists




Larawan mula sa Philippine Information Agency
  • Patuloy ang pababa ng tubig sa Angat Daw
  • Ayon sa isang environmentalist, maliban sa El Niño, deforestation daw ang sanhi ng pagbaba ng tubig sa Angat
  • Marami rin umanong informal settlers sa paligid ng Angat Dam

Ilang buwan nang problema sa Pilipinas ang pagkaantala ng supply ng tubig sa iba’t ibang panig ng bansa. Unti-unti na kasing bumababa ang lebel ng tubig sa iba’t ibang watersheds at dam na abala ang naidudulot sa milyon-milyong Pilipino.

Kung noong tag-init, ang La Mesa Dam sa Quezon City ay bumaba ang reserbang tubig, pagpasok naman ng Hunyo ay patuloy ang pagbaba ng tubig sa Angat Dam sa Bulacan kaya nadagdagan pa ang mga apektado ng pagkawala ng supply ng tubig.

Larawan mula sa PTV

Isa sa mga itinuturong sanhi ng krisis sa tubig ay ang epekto ng El Niño o matinding tagtuyot sa bansa. Gayunman, ayon sa pag-aaral ng mga environmentalist, maliban sa El Niño, ang isa pang sanhi ng pagbaba ng tubig sa Angat Dam ay ang deforestation o patuloy na pagputol ng mga puno sa paligid ng nasabing watershed.

Ayon sa isang pahayag ng chairperson ng Sagip Sierra Madre Environmental Society na si Bro. Martin Franciso, napag-alaman nilang patuloy ang deforestation sa mga kagubatan sa dam sa Norzagaray, Bulacan.

“Ang patuloy kasing dahilan ng pagkaubos ng tubig sa dam na siya nating tubig ay hindi lang simpleng climate change resulting to El Niño kundi deforestation o yung walang habas na pagkaubos ng mga primary forest,” pahayag ni Francisco.

Batay sa pag-aaral ng Center for Watershed Protection, malaki ang naitutulong ng mga puno upang mapanatili ng magandang daloy ng tubig sa mga dam, magandang kalidad ng hangin, at pagbaba ng tsansang magkaroon ng erosion.

Patuloy umano ang deforestation sa mga kagubatan sa Angat Dam dahil mayroon daw mga informal settlers ang naninirahan sa paligid ng watershed. Wala rin umanong kakayahan ang lokal na pamahalaan upang paalisin at i-relocate ang mga nasabing ilegal na naninirahan sa dam.

Larawan mula sa MWSS

Umapela rin si Francisco ng tulong kay Pangulong Rodrigo Duterte upang masolusyunan ang problema sa deforestation at illegal settlers sa loob ng Angat Dam. Sana raw ay agad nang mailipat ang mga informal settlers upang unti-unti nang maibalik ang ganda at sigla ng mga kagubatan sa paligid ng Angat Dam.

Sinabi naman ng mga eksperto na kinakailangan ng isang malakas na bagyo upang maibalik ang lebel ng tubig sa Angat Dam.