Simpleng hiling: Paaralan sa Quezon Province, nais lamang magkaroon ng first aid kit dahil malayo ang mga botika

Larawan mula sa Facebook post ni Medea Labios at Pexels
  • Hiling ng mga guro ng Mabuhay Elementary School sa Quezon ang magkaroon ng first aid kits
  • Malayo ang bayan sa kanilang lugar at malaki ang magagastos sa pamasahe
  • Handang tumanggap ng donasyon ang mga guro para matupad ang kahilingan nilang first aid kits

Sa panahon ngayon, nagsusulputang parang kabute ang iba’t ibang pharmacy kaya naman madali na para sa marami sa atin ang makabili ng gamot at iba pang hygiene essentials. Ang ilang botika nga ay mayroon pang delivery services at sila na mismo ang maghahatid ng gamot sa iyo.

Ngunit kahit tila advanced na ang serbisyo ng mga botika sa bansa, mayroon pa ring mga lugar sa Pilipinas na hindi napakikinabangan ang mga serbisyong ito. Mayroong malalayo pa rin sa mga pamilihan at milya-milya ang kailangang lakbayin upang makabili lamang ng kanilang mga supply.

Ganito ang suliranin ng isang paaralan sa San Francisco, Quezon Province na ang munting kahilingan lamang ay magkaroon ng first aid kits upang matugunan ang pangangailangan ng mga mag-aaral sa oras ng emergency.

Larawan mula sa Facebook post ni Medea Labios

Lumapit sa Facebook page na Tara na sa Lalawigan ng Quezon ang guro ng Mabuhay Elementary School sa Brgy. Huyon-huyon na si Medea Labios upang maghanap ng mga taong maaaring mag-donate sa kanila ng mga gamot at first aid kit dahil sadyang malayo ang mga pamilihan sa kanilang lugar.

Ayon sa post ni Labios, higit isang oras ang kailangang lakbayin upang makarating sa bayan sakay ng habal-habal at umaabot ng 400 pesos ang pamasahe. Hindi umano regular ang biyahe ng mga jeep at napakadalang na makatiyempo sila ng papuntang bayan.

Nagiging suliranin ni Labios at ng iba pang guro ng Mabuhay Elementary School ang kawalan ng mga gamot higit kung mayroong mga kinakailangang bigyan ng paunang lunas katulad ng nasa larawang kalakip ng post ng guro.

“Kami po at dumudulog po sa inyong mga ginintuang puso na sana po ay mabigyan n’yo kami ng mga First Aid Kit na lubha po naming kailangan lalo na po sa mga emergency cases,” sabi ng guro sa kanyang post.

Larawan mula sa Pexels

Dagdag pa ng guro, marami pang pangangailangan ang kanilang paaralan ngunit higit na pinagtutuunan nila ng pansin ang magkaroon ng emergency kits lalo na’t hindi maiiwasang masugatan ang mga bata dahil mayroon pang angking kakulitan ang mga elementary students.

Nag-iwan naman ng cellphone number si Labios para sa mga gustong tumulong. Maaari daw siyang tawagan sa 0939-924-2693 o mag-iwan ng mensahe sa kanyang Facebook account.