Nora Aunor kinilala bilang isa sa mga natatanging bituin

Mga imahe mula sa Wikipedia/Sompat11

Kinilala ng Philippine Movie Press Club (PMPC) si superstar Nora Aunor aka Ate Guy matapos itong parangalan bilang isa sa “Mga Natatanging Bituin ng Siglo” sa ginanap na 35th Star Awards sa Newport Performing Arts Theater, Resorts World Manila.

Ang parangal ay pagkilala sa “exceptional body of work, notable achievements in the Philippine movie industry, and simply because they have touched the lives of the Filipino people from their humble beginnings.”

Pasok na pasok sa mga katangiang binanggit ng PMPC ang mga karanasan at mga pagpupunyagi ni Ate Guy. Minamahal din siya ng masang Pilipino at laging nariyan ang mga Noranians na lubos ang pagsuporta sa kanilang iniidolo.

Umani na ng maraming parangal, pagkilala at respeto ang batikang aktres, na binansagan din bilang “crowned people’s artist,” sa mahigit 50 taon nitong pamamayagpag sa showbiz.

Imahe mula sa Wikipedia/ Carvin11

Si Ate Guy ay isang Bicolana na ang tunay na pangalan ay Nora Cabaltera Villamor. Husay sa pagkanta at husay sa pag-arte ang naging puhunan niya upang maging recording artist at television actress, at movie star.

Nagsimula ang showbiz career ni Ate Guy nang magwagi ito bilang grand champion sa “Tawag ng Tanghalan” noong 1967.

Sa pagpasok ng dekada sitenta, naging promising actress siya hanggang sa makamit niya ang kauna-unahang award bilang Best Actress para sa una niyang pelikula na And God Smiled at Me (1972).

Bilang batikang aktres na may tagline na “Superstar”, kadikit na rin ng kaniyang pangalan ang mga linyang “My brother is not a pig! My brother is not a pig! Ang kapatid ko ay tao, hindi baboy damo!” (Minsa’y Isang Gamugamo 1976) at “Walang himala! Ang himala ay nasa puso ng tao! Nasa puso nating lahat! (Himala, 1982).

Imahe mula sa Nora Aunor: A World-Class Artist Facebook page

Ang pinakahinihintay na lamang marahil ng kaniyang mga fans ay ang maiproklama na ang kanilang idolo bilang National Artist na makailang beses nang nauudlot.

Samantala, ilan pa sa mga pinarangalan ng PMPC bilang mga natatanging bituin ay sina Tirso Cruz lll, Christopher de Leon, Eddie Garcia, Anita Linda, Niño Muhlach, Ramon Revilla, Susan Roces, Gloria Romero, Philip Salvador, at Vima Santos.