Netizen, itinampok ang isang “Tatay” na nagsisikap makatapos ng pag–aaral sa kabila ng edad

Imahe mula sa Facebook account ni Juvelyn Capariño Basas

Hindi hadlang ang edad at estado sa buhay upang matamo ang edukasyon. Hindi porke’t matanda na ang isang tao, titigil na siya sa pagtupad sa kanyang mga pangarap.

Kinalugdan sa social media ang Facebook post ng netizen na si “Juvelyn Capariño Basas”  na nagpapakita ng mga larawan ng isang “tatay” o may edad na lalaki na nagpapa–photo copy ng mga “hand–outs”, hindi para sa kanyang anak o apo, kundi para sa kanyang sarili. 

“Saludo ako kay Tatay. Kanina habang nagpapa–photocopy ako ng hand–outs, nakita ko si Tatay. Magpapa–photocopy din siya, akala ko yung pinapa–photocopy niya na documents ay para sa anak niya, Yun pala ay sa kanya.

Napag–alaman ng netizen na ang naturang lalaki ay nag–aaral ng ICCT Education at malapit nang magtapos. Siya ay working student dahil pintor siya sa umaga at nag–aaral naman sa gabi. Bukod dito, isa rin siyang iskolar ng Commission on Higher Education o CHED. Saludo ang netizen kay “Tatay”.

“Si Tatay ay nag–aaral sa ICCT Education course niya at 4th year student na. Pintor sa umaga at estudyante sa gabi. Nakakabilib pa kasi scholar si Tatay ng CHED. Saludo po ako sa inyo kasi hindi naging hadlang yung edad niyo para matupad yung pangarap niyo.”

Imahe mula sa Facebook account ni Juvelyn Capariño Basas

Pati ang mga netizen ay humanga kay Tatay sa ipinakita nitong dedikasyon at pagsusumikap sa buhay. Batay sa patotoo ng ilang mga nakakikilala sa kanya. mabait, magalang, at talented pa ito.

“Lagi ko ‘tong kausap sa school noong college ako. Dami mo matutunan about kay God tapos kahit na malabo mata niya at naoperahan siya sa mata tuloy pa rin siya mag–aral.”

“Mabait ‘to. Sobrang galang niya lalo na kapag mag–approach siya. School mate ko siya.”

“Naging classmate ko po ‘yan si Sir before but I already forgot his name. Pero alam ko naging classmate ko siya sa isang subject. At talagang masipag at mahusay yan si Sir! Kaya saludo kami d’yan lalo na sa mga nakakakilala talaga sa kanya.”

Imahe mula sa Facebook account ni Juvelyn Capariño Basas

Hindi naman nakuha ng netizen ang pangalan ni Tatay. Kung sino at nasaan ka man, good luck and pagpalain po kayo ng Maykapal!