Netizen, itinampok ang isang fast food service crew sa world class nitong serbisyo

Imahe mula sa Facebook account ni Dinalyn Osal
  • Itinampok ng isang customer ang isang fast food chain service crew dahil sa ipinamalas umano nitong world class customer service
  • Ang naturang service crew ay nagtatrabaho sa Mang Inasal sa Puregold North Commonwealth
  • Pinuri ng mga netizens ang naturang service crew na sana raw ay pamarisan ng iba

Natuwa ang isang customer ng isang sikat na fast food chain na si “Dinalyn Osal” sa ipinamalas at naranasang “world-class customer service” mula sa service crew nito.

Batay sa mahabang Facebook post ng customer noong Hunyo 16, 2019, pinuri niya ang service crew ng Mang Inasal sa Puregold North Commonwealth branch na nakilala niya sa pangalang “Tian” na maaaring mula sa buong pangalan na “Christian”.

Salaysay ni Osal, dahil gustong-gusto niyang kumain ng manok sa naturang fast food chain, nagtungo siya sa Mang Inasal sa Puregold North Commonwealth kahit weekend at alam niyang maraming tao dahil sa kasagsagan ng pagdiriwang ng “Father’s Day”.

Pagdating doon, hindi siya nagkamali sa kanyang inaasahan. Dagsa ang mga tao, at marami ring naghihintay sa labas nito, na mabakante ang mga mesa sa loob. Sa kagustuhang mapawi ang kanyang “cravings” sa inasal na manok, umorder pa rin ang customer kahit wala pang bakanteng mesa upang mapagkainan.

Maya-maya, agad na lumapit ang service crew sa customer. Tinanong nito kung may kasama siya, at kung may puwesto na. Ganoon din ang ginawa nito sa iba pang mga customers na wala pang mesa at upuan.

Nang wala pa talagang bakante, kumuha ang service crew ng isang mahabang mesa at mga upuan at pinaupo ang mga naghihintay na naka-order na.

Napansin din ng customer na masigla sa pag–assist ang naturang service crew. Hinatiran pa ng mainit na sabaw ang mga naghihintay na dumating ang kanilang mga orders. Siya rin ang nagligpit sa kanilang mga kinainan. Nakangiti nitong ginagawa ang kanyang trabaho kahit na mahirap at nakakapagod ito.

Inilarawan ng customer na “world-class customer service” ang ipinakita ng service crew na si Tian. Nagpa–selfie pa siya sa naturang service crew.

Imahe mula sa Facebook account ni Dinalyn Osal/Public Domain Image

Umani naman ito ng positibong reaksyon mula sa mga netizens.

“Sana lahat ng service crew, ganyan. May iilan kasi na ilang beses mo nang tinawag para magpa–assist pero sasabihin lang “Ok po wait lang… Busy sila paikot=ikot, wala namang ginagawa. Tapos kapag tinawag mo pa ‘yung attention nila, parang sila pa yung galit…”

“Part ng job niya iyan. Good job!”

“Mabait talaga iyan si Kuya, lalo na kahapon, siya yung kusang umorder ng order namin tapos hinatid niya sa amin.”

Ang Mang Inasal, o nangangahulugang “Mr. Barbecue” sa Ingles, ay isang barbecue fast food restaurant sa Pilipinas, na unang naitayo sa Iloilo City noong 2003. Noong 2010, naging bahagi ito ng Jollibee Foods Corporation.

Public Domain Image