Mga guro sa Bacoor National High School, binigyan ng mas maayos na Faculty Room

Public Domain Image

Binigyan ng mas maayos na faculty room ang mga guro ng Bacoor National High School-Molino Main ng Department of Education matapos ang naging mainit na usapin hinggil sa kakulangan nito at paggamit sa mga palikuran bilang faculty room.

Ayon sa ulat ng Philippine Information Agency o PIA, sinabi ni Officer-in-Charge Felizardo Bolaños, Bacoor Schools Division Superintendent, na nagkaroon ng kasunduan sa pagitan ng mga guro at ng punungguro na si Anita Rom na gagamitin muna ang Technology and Livelihood Education laboratory bilang pansamantalang faculty room.

Imahe mula sa website ng Philippine Information Agency/Public Domain Image,

Nagsimulang lumipat ang mga guro sa TLE laboratory noong Hunyo 7, 2019. Matatandaang pumutok ang balita hinggil sa pag–oopisina ng mga guro ng BNHS sa palikuran na kinuhanan ng video at inupload ng isang guro sa social media noong Hunyo 3, 2019, na talaga namang pinag–usapan.

Nawalan daw ng faculty room ang mga guro dahil sa kakulangan ng mga silid–aralan, at upang bigyang-daan ang single shift schedule ng paaralan simula ngayong taon. Isinagawa ang naturang pagbabago upang maagang makauwi ang lahat ng mga mag–aaral at guro.

Matapos maging viral ang video ng gurong uploader, inulan ng batikos ang Department of Education, lalo na ang kalihim nitong si Secretary Leonor Briones na nagpahayag na masyadong “dramatic” ang ginawa ng mga guro sa Baccor.

Public Domain Image

Nagsulputan ang iba’t ibang mga guro na nag–upload din ng mga faculty rooms nila na dating palikuran. Makikitang tinatakpan na lamang ng mga guro ang mga inidoro, nilalagyan ng kurtina ang mga bintana, at tinatabunan ng kung ano–anong mga papel at palamuti upang magmukha itong faculty room.

Noong Hunyo 5, 2019, naglabas ng pahayag ang DepEd Bacoor na gagawan nila ng agarang aksyon ang naturang usapin.

“The Department of Education is exerting all efforts to facilitate a solution acceptable to all officials and teachers in regard to the faculty room issue in Bacoor National High School-Molino Main.”

Sana ay mabigyan ng permanenteng faculty rooms ang mga guro, hindi lamang sa Bacoor, kundi maging sa iba pang mga pampublikong paaralan na may kahalintulad na sitwasyon.