Shining Stars: Mga celebrity na hindi nanalo sa sinalihang reality competition pero sumikat pa rin




Larawan mula sa IG account nina San Jose, Bautista, Park, at Espanto

Malaking bahagi ng Philippine television ang mga reality show. Taon-taon ay mayroong mga reality competition na inilulunsad ang mga TV network at siyempre, mayroong itinatanghal na kampeon.

Gayunman, mayroon ding mga hindi pinapalad maiuwi ang grand title ngunit hindi naman pinagkaitan ng kasikatan at kinaya pa ring makagawa ng pangalan sa industriya.

Narito ang ilang Pinoy celebrities na hindi man nagkampeon ngunit winner pa rin ang career sa showbiz.

Larawan mula sa Instagram account ni Morissette Amon

Morissette Amon

Sinong mag-aakala na tatlong reality shows ang sinalihan ni Amon at lahat ng ito ay hindi niya napagtagumpayan?

Una siyang sumali sa ‘Talentadong Pinoy’ sa TV5 ngunit ‘di pinalad. Muli siyang sumubok sa isang artista search sa TV5 pa rin, ang ‘Star Factor’ at naging third runner up. Sumubok siya sa ABS-CBN show na The Voice of the Philippines kung saan napabilang siya sa final 2 artists ni Coach Sarah Geronimo ngunit ‘di nakasama sa finale.

Gayunman, nagawa pa rin ni Amon na gumawa ng pangalan sa music industry at tinatawag ngayong ‘Asia’s Phoenix.’ Ilan sa mga notable projects niya ay ang hosting stint sa ‘Bolt of Talent’ kasama ang international singer na si Michael Bolton, at ang isang solo concert sa Araneta Coliseum.

Larawan mula sa Instagram account ni Dara

Sandara Park

Hindi rin pinalad ang ‘Pambansang Krung-krung’ turned KPop superstar na si Sandara Park na manalo sa Star Circle Quest ng ABS-CBN noong 2004. Natalo siya ng aktor na si Hero Angeles na kalaunan ay naging ka-loveteam niya.

Noong 2007, umuwi sa Park sa kanyang pamilya sa Korea at dito nabigyang buhay ang kanyang KPop career. Napasama siya sa Korean girl group na 2NE1 kung saan mas nakilala siya bilang si ‘Dara’ kasama sina Minzy, CL, at Bom.

Larawan mula sa Instagram account ni Christian Bautista

Christian Bautista

Tinalo ni Erik Santos ang ngayon ay ‘Asia’s Romantic Balladeer’ na si Christian Bautista. Fourth placer lamang si Bautista sa Kapamilya singing search na ‘Star in A Million’ noong 2003 ngunit nagkaroon siya ng maraming hit singles.

Nagkaroon din siya ng fan base sa iba’t ibang sulok ng Asia gaya ng Indonesia. Bumida rin siya sa isang international series na Kitchen Musical. Ngayon ay nasa GMA Network na si Bautista at judge ng singing competition na ‘The Clash.’

Larawan mula sa Instagram account ni Julie Anne San Jose

Julie Anne San Jose

Nagsimula bilang child star ang Diamond Asia’s Pop Sweetheart na si Julie Anne San Jose. Sumali siya sa singing search ng QTV 11 na ‘Popstar Kids’ ngunit bigong manalo. Gayunman, si San Jose ang nakakuha ng maraming break mula sa GMA Network at naging isa sa mga big stars nila.

Sumikat ang loveteam nila ng aktor at singer din na si Elmo Magalona. Noong 2012, nagkamit ng diamond record award ang first solo album ni San Jose at naging quadruple platinum naman ang kanyang second album.

Larawan mula sa Facebook account ni Paulo Avelino

Paulo Avelino

Produkto ng reality show ng GMA Network na ‘StarStruck’ Batch 4 ang aktor na si Paulo Avelino. Hindi siya pinalad na manalo dahil si Aljur Abrenica ang itinanghal na champion. Ngunit nagkaroon naman siya ng mga proyejto sa Kapuso network hanggang sa lumipat siya sa ABS-CBN noong 2011.

Dito ay nagsunod-sunod ang malalaking proyekto ni Avelino kabilang ang mga teleserye at blockbuster movies tulad ng Shake Rattle and Roll at Kasal.

Larawan mula sa Instagram account ni Darren Espanto

Darren Espanto

Sa The Voice Kids naman sumali ang young singer at heartthrob na si Darren Espanto. Naging runner-up siya ni Lyca Gairanod na kapuwa niya Team Sarah artist. Hindi man pinalad, nagkaroon pa rin ng recording deal si Espanto at nagkaroon ng iba’t ibang concert at proyekto.

Kabilang sa regular performers ng longest running musical show na ASAP Natin ‘To si Espanto at isa sa most viewed Filipino artist sa YouTube. Napili rin si Espanto na kumanta ng version ng Aladdin soundtrack na ‘A Whole New World’ kasama si Amon.

Sa kabuuan, kapag ang isang artist ay may talento talaga, magniningning pa rin ang kanyang bituin, nanalo man o hindi.