Mga batang ipinangalan sa Mobile Legend characters, ibinida




Imahe mula sa Facebook page na Mytote Philippines

Walang kupas at patuloy pa ring tinatangkilik ng karamihan sa mga Pinoy ang larong Mobile Legends na kilala rin sa tawag na ML o MoBa. Kakaiba nga naman ang kasiyahang naidudulot nito. Ang ilan ay tila hindi nakukumpleto ang araw kapag hindi nakapaglalaro, at ang iba naman ay ginagawang pampalipas oras lamang.

Marami sa mga manlalaro nito ay nakatagpo ng kaibigan, syempre mayroon ding nagkaroon ng kasintahan. Subalit nitong nakaraang araw lamang ay naging matunog sa social media ang dalawang bininyagang bata na ipinangalan sa dalawang karakter ng naturang laro.

To the next level na talaga ang impluwensiya ng MoBa!

Imahe mula sa Facebook page na Mytote Philippines

Ang online souvenir shop at Facebook page na Mytote Philippines ang nagbahagi ng larawan ng dalawang bata na kanilang ginawaan ng souvenir para sa kanilang binyag.

Ayon sa caption ng post: Pag fan ng Mobile Legends parents mo… “Gusion, bumili ka nga suka kila Aling Tekla!” “Hoy nana, mag saing ka na dito.” We create souvenirs and giveaways tulad nito. PM us for inquiries.

Makikita sa unang dalawang larawan ang isang batang babae na pinangalanan ng kanyang mga magulang bilang Maria Nana D. Santos. Sa kanyang kaliwa ay ang karakter na si Nana sa Mobile Legends. Sa kanan naman ay mapapansin ang mga salitang “I’m gonna get angry if you poke me again,” na linya ng naturang karakter sa laro.

Ang ikatlo at ika-apat na larawan naman mula sa post ay isang batang lalaki na tila nakahanda sa labanan.

Siya ay pinangalanang Claude Gusion R. del Rosario, kung saan ang Claude at Gusion ay parehong mula rin sa dalawang karakter ng laro. Sa kanyang bahaging kaliwa ay makikita ang karakter na si Claude at sa kanyang bahaging kanan naman ay ang karakter na si Gusion.

Imahe mula sa Facebook page na Kun Gaming

Ang orihinal na post ng Mytote Philippines ay umani na ng 1,000 shares. Marami ring netizens ang nagbigay ng kanilang reaksiyon.

“Granger, gawin mo na assignment mo haha,” komento ni Y. De Guzman na tinutukoy ang isa pang karakter bilang halimbawa.

“Uy princess Miya, puntahan mo papa mo,” ayon naman sa Facebook user na si L. Bartolay.

Kung isa ka rin sa mga mahilig maglaro ng Mobile Legends, ipapangalan mo rin ba ang anak mo sa mga karakter nito?