Mga bandila ng China, ibinenta sa Luneta; DFA Secretary Teddy Locsin Jr., dumepensa

Public Domain Image

Usap–usapan ngayon sa social media at balita ang pagbebenta ng maliliit na bandila ng China sa mismong bantayog ng pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal, ang Luneta o Rizal Park, nitong Hunyo 9, 2019.

Kinondena ng mga netizens ang pagtitindang ito lalo’t ilang araw na lamang ay gugunitain na ang “Araw ng Kalayaan” o Independence Day sa Hunyo 12, 2019.

Public Domain Image

Sa pamamagitan ng closed-capture television o CCTV video na inilabas ng National Parks Development Committee (NPDC), makikita ang tatlong lalaki na inuutusan ang ilang mga tindero at tindera na ibenta ang mga naturang mga bandila.

Nakikipag-ugnayan na ang NPDC sa pulisya upang mahuli ang mga suspek sa aktong ito.  Suspetsa nila, isa itong black propaganda laban sa administrayong Duterte kaugnay ng pagpapalakas sa ugnayang Pilipinas at China.

Sinita naman ng mga tauhan ng NPDC ang mga inutusang tindero at tindera, ngunit hindi naman  ikinulong. Pinagbawalan lamang silang gawin ulit ito.

Ayon sa kanilang testimonya, nilapitan sila ng mga lalaki at pinakiusapang ibenta ang mga bandila, kapalit ng kabayaran.

Samantala, dinepensahan naman ni Department of Foreign Affairs o DFA Secretary Teddy Locsin Jr ang hinggil sa pagbebentang ito ng mga bandila ng China. Sa kanyang Twitter post noong Hunyo 9, 2019, sinabi niyang bahagi ito ng pagdiriwang ng Filipino-Chinese Friendship Day.

Ito ay opisyal na idineklara ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa bisa ng Proclamation No. 148 series of 2002.

Giit ni Locsin, magbebenta rin sila ng bandila ng Amerika sa  Philippine-US Friendship Day. Wala umanong ibig ipakahulugan ang pagbebenta ng mga bandila ng China.

“Don’t fret. They will be selling the US flag on Philippine-US Friendship Day as well; plus tarpaulin with the text of our Mutual Defense Treaty which threatens World War III when either party has been attacked by any country not invited to da party,” paliwanag ni Locsin.

Imahe mula sa Twitter account ni Teddy Locsin, Jr.

Matatandaan na noong Hulyo 2018 ay naging usap–usapan din ang isinabit na pulang banner na may nakalagay na “Welcome to the Philippines, Province of China” sa ilang mga pedestrian overpasses sa Pambansang Punong Rehiyon o NCR na umani ng batikos mula sa mga tao.