Mga aso naglaro ng pabitin sa isang birthday party




Imahe mula sa Facebook account ni Sean Red Fernan

Ang aso ay isang tunay na kaibigan at patunay ng magandang pagsasamahan. Bilang tagapangalaga at amo, nararapat lamang na ibigay ang mga pangangailangan nito kagaya ng pagkain, tulugan, at mga kagamitang kailangan niya sa araw-araw.

Minsan, nararapat rin na bigyan sila ng “treats” para naman maiparamdam ang kahalagahan nila sa buhay natin, hindi lang bilang isang alaga kundi pati na rin karamay sa kahit anong laban sa buhay.

Kagaya na lamang ng Facebook user na si Sean Red Fernan mula sa Cebu City na ipinaghandaan ang kanyang alagang aso na si Padfoot sa kaarawan nito.

Imahe mula sa Facebook account ni Sean Red Fernan

Ayon sa kanyang post: “Happy 4th birthday to the most loving, sweet, and clingy puppy of mine! Ikaw ang kuya sa tanan puppies, Padfoot. Ayaw’g ka selos sa imung mga igsuon kanang mag hagwa2x mi, big boy naman ka. But you will always be loved haaa! Thank you for giving me so much joy for the past 4 years. I love you sooo sooo much… Always.”

(Happy 4th birthday sa pinaka-mapagmahal, malambing, at clingy kong tuta. Ikaw ang kuya sa lahat ng mga tuta, Padfoot. Huwag kang magseselos kung nakikipaglaro kami sa mga kapatid mo. Malaki ka na. Pero patuloy ka pa rin naming mamahalin. Maraming salamat sa pagbibigay sa akin ng kaligayahan sa loob ng apat na taon. Mahal na mahal kita… Sa Tuwina)

Makikita sa unang tatlong larawan ang masayang handaan sa kaarawan ni Padfoot habang karga-karga siya ni Sean. Hindi man nakapagsasalita si Padfoot, mababakas naman sa mga larawan ang pagmamahal at pagpapahalaga sa kanya, lalo pa at espesyal ang isinagawa nilang selebrasyon.

I-click ang imahe upang mapanood ang video ni Sean Red Fernan via Facebook

Subalit ang highlight ng party ay ang palaro ni Sean na para lamang sa kanilang mga aso.

Kagaya sa mga children’s party, si Padfoot, kasama ang iba pang mga aso, ay naglaro ng pabitin. Kung sa karaniwang palarong ito ay mga pagkain at pera ang nakasabit, sa kaarawan ni Padfoot ay hotdog ang dapat nilang hilahin.

Sa isang video, habang hawak-hawak ni Sean ang pabitin ay kanya-kanyang puwesto ang mga aso para sa pag-abot ng mga hotdog.

Ang naturang video ay umabot na sa 32,000 reactions, 16,000 comments, 35,000 shares, at 1.9 million views!

Talaga nga namang hindi matatawaran ang pagmamahalan na mayroon sa pagitan ng isang tao at ng kanyang alaga, aso man iyan, pusa, o iba pang hayop.

Ayan, napanood na tuloy kayo sa telebisyon!