Teenager Wowowin contestant sa tatay niyang namamasura: “Hindi ko po kayo dapat ikahiya”

Screenshot mula sa YouTube video ng Wowowin

Sa isang episode ng afternoon game show ng GMA Network na Wowowin, umapaw ang saya, luha, at inpirasyon dahil sa kuwento ng isang amang ginagawa ang lahat upang makapag-aral ang mga anak at mabuhay ang sariling pamilya.

Sa YouTube video ng Wowowin, sa nasabing episode kung saan ang mga teenager na sumasailalim sa summer workshop ang manlalaro sa portion na Willie of Fortune, umantig ang kuwento ng senior high school student na si Andrew mula sa Payatas, Quezon City kaugnay sa kanyang ama na nangangalakal upang matustusan ang kanyang pag-aaral at mabuhay ang pamilya nito.

Screenshot mula sa YouTube video ng Wowowin

Nang tanungin si Andrew ng host na si Willie Revillame kung ano ang trabaho ng kanyang ama, agad na sinabi ng binata na pagbabasura ang trabaho ng kanyang tatay na si Tuning. Maya-maya pa, ipinakilala na ni Andrew ang ama at nabigyan ito ng pagkakataon na makausap si Revillame.

“Kayo po ay… anong ginagawa n’yo,” tanong ni Revillame.

“Isa po akong kolektor ng basura sa Payatas,” sagot ng matanda.

“Palakpakan natin si Tatay Tuning… Isang karangalan na trabaho yan ah. Marangal,” dagdag ni Revillame.

Nang hingian ni Revillame ng mensahe si Mang Tuning para sa anak na si Andrew, sinabi nitong ang gusto niya lamang ay pagbutihin nito ang pag-aaral dahil ito lamang ang maibibigay niya bilang magulang.

At nang si Andrew naman ang magbigay ng mensahe sa ama, dito na bumuhos ang emosyon ng binata at sinabing ipinagmamalaki niya ang amang kolektor ng basura.

“Pa, ipinagmamalaki ko po kayo kasi po… hindi po porke’t nangungulekta kayo ng basura ay dapat ko na po kayong ikahiya. Dahil po sa basurang iyon, may pantustos po kayo sa aming magkakapatid. Mahal na mahal po kita, Pa,” sabi ni Andrew habang hindi mapigilang maging emosyonal.

I-click ang larawan upang mapanood ang video

Makikita rin sa video ang pagluha ng ibang studio audience dahil naantig sa kuwento ng mag-ama. Sinabi naman ni Revillame na ito ang realidad ng buhay kung saan may mga taong nagtitiis sa matinding hirap.

Binigyan naman ni Revillame ng P10,000 si Tatay Tuning upang pandagdag puhunan at pantulong sa ate ni Andrew na may espesyal na kondisyon.

Laking tuwa naman ng matanda sa regalong natanggap dahil malaki na raw ang P300 na kita sa isang araw ng pangangalakal.

Source :

YouTube, GMA News