Manila mayor Isko Moreno sa private schools kaugnay sa class suspensions: “Hindi frogman ang mga private school students”

Larawan mula sa Facebook page ni Isko Moreno Domagoso
  • Nakiusap si newly elected Manila mayor Isko Moreno sa mga private school owners na makiisa sa kanilang class suspension
  • Ayon kay Moreno, hindi naman daw mga frogman ang mga mag-aaral ng private schools para lumusong sa ulan
  • Tungkulin daw ng lokal na pamahalaang siguruhin ang kaligtasan ng mga mag-aaral sa parehong pampubliko at pribadong eskwelahan

Matapos ianunsiyo ng weather agency na PAGASA ang pag-uumpisa ng tag-ulan, kabi-kabilang paghahanda na rin ang ginagawa ng mga lokal na pamahalaan para sa mga inaasahang malalakas na pag-ulan.

Isa sa mga unang aatupagin ng bagong halal na alkalde ng Maynila na si Isko Moreno ang pagsasaayos ng waterways ng lungsod dahil matagal nang problema ang pagbaha tuwing malakas ang ulan.

Ngunit maliban sa pag-aayos ng mga daluyan ng tubig, isa sa mga pinagtutuunan ng pansin ni Moreno ay ang pagmo-monitor ng pag-ulan upang agad na makapagkansela ng klase at hindi na mahirapan pa ang mga mga-aaral.

Larawan mula sa Facebook page ni Isko Moreno Domagoso

Sa ginawang press conference ni Moreno, isa sa naging highlights ay ang pakiusap ng mayor sa mga pribadong paaralan na makiisa kung magdedeklara ang lokal na pamahalaan ng suspensiyon ng klase tuwing may malakas na pag-ulan.

Ayon kay Moreno, kahit na hindi ang lokal na pamahalaan ang may hawak sa mga pribadong paaralan, hindi naman daw dapat nito isantabi ang kaligtasan ng mga mag-aaral at ipagpatuloy ang klase sa gitna ng bagyo.

“Sa mga president ng mga pribadong unibersidad, nakikisuyo ako sa inyo. Kapag ang lokal na pamahalaan ang nagsabi na walang pasok, makiisa na po kayo,” pahayag ni Moreno.

Dagdag pa nito, kahit na umano “autonomous” ang mga paaralan, mas mananaig pa rin daw ang section 16 ng local government code, ang General Welfare Clause.

Layunin at pangako raw ni Moreno sa mga Manilenyo na pag-aralan ang lagay ng panahon tuwing may nagbabadyang bagyo at ang pagkakansela ng pasok sa mga paaralan at opisina ay malaking bahagi ng tungkulin ito.

“Hindi po frogman ang mga private students… Na ligtas sila at ang ililigtas lang namin ay ‘yung public students,” matapang na pahayag ni Moreno na dati na ring naglingkod bilang bise-alkalde ng Maynila.

Larawan mula sa Facebook page ni Isko Moreno Domagoso

Nito lamang nakaraang linggo dahil sa malakas na ulan, dinagsa raw ng mensahe ang Facebook page ni Moreno tungkol sa pagtatanong sa class suspension. Gayunman, hindi pa raw opisyal na umuupo sa puwesto si Moreno kaya hindi niya mapagdesisyunan ang suspensyon sa araw na iyon.

“Nais ko pong ipaalala sa bawat Batang Maynila na ang ating liderato ay magsisimula pa lamang po sa unang araw ng Hulyo, 2019 kung kaya’t ang desisyon sa pagsususpindi ng klase ay wala pa sa ating saklaw,” paliwanag niya sa isang Facebook post.

Kilala ang Maynila bilang isang lungsod na maraming paaralan at kolehiyo na tinatawag ding university belt.