Maniaman! Ulam tea ng isang Kapampangan, swak ngayong tag-ulan




Imahe mula sa Facebook page na Awa ne?

Nitong nakaraang linggo lamang ng ibalita na masama sa katawan ang pagkonsumo ng milk tea araw-araw.

Ayon kay Charmaine Manango, isang dietician at nutritionist, isang malaking serving lamang ng milk tea sa isang linggo ang dapat inumin ng mga suki nito.

Dahil d’yan, ang Kapampangan at Facebook user na si Ben Thought ay may naisip na nakatutuwa at kakaibang ideya para masatisfy ang tea cravings; ito ang Sabo tea o Sabaw tea.

Imahe mula sa Facebook page na Awa ne?

Hindi kayo namamalik mata sa mga larawan dahil ginawang literal na ulam na may sabaw ang Sabo tea.

Ang Bulalo flavor ay may buto-buto at gulay sa loob. Tulad ng milk tea, may add-ons din siyang nilagay para dito gaya ng butil-butil na mais o ‘di kaya ay mais na may busal.

Ang Bulanglang flavor naman ay maaaring dagdagan ng sahog na bayabas. Meron ding Kare-Kare flavor na may baguk o bagoong alamang na add-on.

Ang Sigang, sinigang ng mga Kapampangan, ay kasama rin at maaaring mag-add-on ng hipon! Hindi pahuhuli ang Tinola flavor na may add-on namang sayote. At ang Kapampangan version ng dinuguan na Tidtad, may pa-add-on na betamax.

Kung isa ka sa no rice meal, tiyak ito na ang para sa ‘yo dahil sa sabaw at ulam ay solved ka na!

Imahe mula sa Facebook page na Awa ne?

Ngunit paglilinaw ni Ben, hindi talaga siya nagbebenta ng Sabo tea dahil ito ay isang ideya niya lamang na naisipan niyang gawin dahil sa kanyang mga kaopisina na nahihilig sa pag-inom ng milk tea. Natanong niya sa kanyang sarili na paano kung maging ulam ang nakagawiang milk tea ng mga Pinoy, magustuhan pa rin kaya nila?

Sa katunayan, maraming netizens ang naaliw at nais subukan ang Sabo Tea na naka-post sa Awa ne? Facebook page sa pahintulot ni Ben kung saan umabot na sa 3,500 likes, 7,700 comments, at 9,100 shares.

May mga nag-tag sa kanilang mga kaibigan para ilibre, at ang ilan ay nag-request pa ng adobo at papaitan flavors.

Ang mga Pinoy nga naman ay likas na mahilig sa mga pagkain at bagong mga ideya gaya nito lalo na ngayong panahon ng tag-ulan kung kaya hindi na nakapagtataka na maraming nais matikman ang Sabo tea.