Malikhaing guro, ginawang dingding ang makukulay na kahoy ng armchair at sirang lababo




Imahe mula sa Facebook account ni Reynel Calmerin

Ipinakita ng isang guro sa South Cotabato ang kanyang pagiging malikhain at mapamaraan matapos niyang gawing dingding sa kanyang silid–aralan ang mga sira–sirang makukulay na kahoy mula sa arm chair gayundin ang ilang mga sirang bahagi ng lababo bago magsimula ang pagbabalik–eskwela noong Hunyo 3, 2019.

Hinangaan ng mga netizens ang gurong si “Reynel Calmerin”, nagtapos ng Bachelor of Education in Elementary Education sa University of Southeastern Philippines sa Tagum City, Davao Del Norte. Nagtuturo siya sa Polomolok Central Elementary School sa Polomolok, South Cotabato.

“From broken chairs to my classroom wall… para klaro po, itinapon na po iyang mga upuan, kinunan na po iyan ng parts na ginamit pang–repair sa ibang upuan… at saka yang wall… sirang lababo po yan…,” ayon sa Facebook post ng malikhaing guro.

Imahe mula sa Facebook account ni Reynel Calmerin

Nilinaw ni Sir Calmerin na hindi niya sinadyang sirain ang mga upuan at lababo upang gawing kasangkapan sa pagbuo niya ng dingding. Mga natira lamang daw ito mula sa “Brigada Eskwela”, at upang hindi masayang ang makukulay na kahoy, nakaisip siya ng paraan na maging kapaki–pakinabang pa rin ito.

Makikita sa larawan na bagama’t mahirap at masinsin, matiyagang pinili at pinaghiwa–hiwalay ni Sir Calmerin ang mga kahoy na gagamitin niya sa kanyang “obra maestra”. Gamit ang martilyo, pinitpit niya ang ibang mga nakausling pako, at itinira naman ang mga maaari pang maibaon.

Kahit mainit at pawis na pawis na, matiyaga ring pininturahan ng guro ang mga kahoy na nababakbak na ang kulay. “Hayahay” at ngiting tagumpay si Sir Calmerin nang matapos niya ang makulay na dingding para sa kanyang silid–aralan.

Imahe mula sa Facebook account ni Reynel Calmerin

Pinuri ng mga netizen ang kasiningang ipinamalas ng guro, para sa ikasisiya ng kanyang mga mag–aaral.

“Galing naman ni Sir! Very creative!”

“Salute to you sir! Teachers are very resourceful talaga.”

“Very creative and innovative teacher! I salute you for your ingenuity!!!”

“Sipag at tiyaga talaga ang kapital ng mga guro para umusad ang kaunlaran ng isang paaralan. Good job po sir.”

Imahe mula sa Facebook account ni Reynel Calmerin

Kudos sa iyo, Sir Calmerin! Isa kang patunay kung gaano kadakila ang propesyon ng pagiging isang guro!