Isang asteroid na kasing laki ng isang football field, maaari daw tumama sa daigdig ayon sa mga siyentipiko




Larawan mula sa Pixabay
  • Isang asteroid na kasing laki ng football ang maaaring tumama sa Earth
  • Maliit man ang tsansa, patuloy pa ring pinag-aaralan ng mga siyentipiko ang malaking asteroid
  • Sa Setyembre 2019 daw ito babagsak sa mundo kung dito man ang tatahaking direksyon nito

Isang babala ang inilibas ng European Space Agency (ESA) tungkol sa posibilidad ng pagtama ng isang malaking asteroid sa ating daigdig sa Setyembre.

Ayon sa inilabas na ulat ng website ng ESA, isang asteroid na kasing laki ng isang football field ang maaaring tumama sa mundo at tinatayang maaabot ang Earth sa Setyembre 9 ng 7:03 am.

Tinatawag ito na asteroid 2006QV89 at mayroong diameter na 40m at nasa layong 4.2 million miles. Dahil sa laki nito at mayroong probabilidad na tumama ito sa daigdig, itinuturing ng ESA na isa sa kanilang “most concerning space objects” ang nasabing asteroid.

Larawan mula sa Pixabay

Gayunman, nilinaw naman ng ESA na sa kanilang mga unang taon ng pag-aaral sa asteroid, mayroong maliit na tsansang tumama ito sa Earth, at sa taya ng Impact Probability data, one out of 7,299 ang posibilidad na tamama ito sa lupa.

Ngunit patuloy na pinag-aaralan at binabantayan ng ESA ang asteroid na papalapit na raw sa mundo at ayaw nilang maging kampante kahit maliit ang tsansa nitong makapaminsala.

Ayon sa ESA, hindi dapat ipagsawalang bahala ang banta ng asteroid 2006QV89 dahil may mga pagkakataon na tumama ang malalaking asteroid sa ating mundo.

Noong 1908, isang meteorite ang sumira sa 770 square miles na kagubatan sa Russia. Noong Pebrero 2013 naman, isang asteroid ang nagdulot ng pagkasira ng 7,200 gusali at nakaapekto sa higit 1,500 katao nang tumama ito sa Chelyabinsk, Russia.

Larawan mula sa Pixabay

Ayon naman sa website na Universe Today, hindi naman daw dapat ikatakot ang malaking asteroid na ito dahil ang totoo raw, mas marami pang binabantayan ang ESA maging ang National Aeronautics and Space Administration (NASA) na asteroid at ang iba raw ay mas malalaki at mas malalapit pa sa daigdig.

Unang nadiskubre ng ESA ang asteroid 2006QV89 ng Catalina Sky Survey at nakitaan ng posibiliad ng pagtama sa daigdig noong 2015 hanggang sa kasalukuyan.

Patuloy pa rin ang pag-aaral ng dalawang malaking space agencies ng mundo sa mga asteroid at sa maaaring maging epekto nito kung sa ating daigdig man ito babagsak.