Mag-asawang nagtitinda ng okra sa Bulacan, sa tricycle lamang nakatira; netizens tumulong na mabili ang kanilang paninda

Larawan mula sa Facebook page na Bulacan Eats
  • Viral ang post ng Facebook page na Bulacan Eats tungkol sa matandang mag-asawa na nagtitinda ng okra sa bangketa
  • Ang tricycle sa bangketa na rin ang nagsisilbing bahay ng mag-asawa
  • Patuloy ang pagtulong ng mga netizens at Bulacan Eats sa matandang mag-asawa

Karaniwang eksena na sa mga bangketa sa Pilipinas ang mga kababayan nating nagtitinda. Sa katunayan, naging isang industriya na ito at naging paboritong bilihan pa ng mga nagtitipid tulad ng mga tindahan sa mga lansangan sa Baclaran at Divisoria.

Ngunit isang matandang mag-asawa mula sa Bulacan ang umantig sa puso ng mga netizens dahil nagsusumikap pa rin silang magtinda ng okra sa bangketa. At ang bangketang pinagkukuhanan nila ng kabuhayan ay siya ring nagsisilbi nilang tahanan.

Marami ang nakapansin sa post ng Facebook page na Bulacan Eats tungkol sa kanilang panawagan na suportahan ang tinda ng isang matandang lalaki sa tapat ng malaking mall sa Pulilan.

Larawan mula sa Facebook page na Bulacan Eats

Ayon sa unang post ng page, malaking tulong na raw kung bibilhin ang tigsa-sampung pisong okra na ibinebenta ni Tatay na kinilala rin ng page bilang si Tatay Octavio Padre Juan.

Dagdag pa ng Bulacan Eats, wala raw patid sa pagtitinda ang matanda kahit pa tirik ang araw hanggang sa dumilim. Katuwang ni Tatay Octavio ang kanyang asawa na naka-wheelchair na sa pagtitinda. Wala na ring tahanang inuuwian ang mag-asawa dahil sa kanilang tricycle na sila mismo natutulog.

“Nakikita n’yo po ba yung tricycle na yan, dyan lang pala sila nakatira dahil nawalan daw sila ng bahay sabi ni Tatay,” pahayag ng Bulacan Eats page sa kanilang ikalawang post na mayroong mahigit 6,600 reactions.

Matapos raw maibahagi ng Bulacan Eats sa kanilang page ang kuwento ng mag-asawa, agad na dumami ang customers nila. Karamihan daw sa mga ito ay pinapakyaw ang tinda nila Tatay Octavio. Dumagsa rin umano ang mensahe sa page na gustong tumulong sa mag-asawa.

Sa katunayan, matapos ang ilang araw lamang, nadagdagan na ang paninda ng mag-asawa ng iba pang gulay katulad ng talong, sibuyas, at kalabasa.

Larawan mula sa Facebook page na Bulacan Eats

Hanggang sa kasalukuyan, patuloy ang pagtulong ng Bulacan Eats page sa matanda. Mayroon na raw nangako na magbibigay ng solar panel sa kanila at may isang kaninan pa ang sasagot sa date ng mag-asawa.

Para sa mga nais pang tumulong kina Tatay Octavio, maaaring abutin ang Bulacan Eats sa kanilang Facebook page.