Mag-asawa, mas piniling magpa-tattoo ng ‘palagi’ sa palasingsingan imbes na totoong wedding ring

Larawan mula sa Facebook page ng Moki Cruz Photography

Uso ang iba’t ibang gimik sa pre-nuptial at mismong kasal. Mayroong mga napaulat na sa karinderya ginawa ang reception ng kasal at may gumamit ng organic materials sa mismong kasal.

At kung inaakala ninyong naubos na ang kakaibang ideya sa mga kasalan, isang couple ang agaw-pansin ngayon sa social media dahil nakahanap sila ng kakaibang simbolo ng kanilang wagas na pagmamahalan.

Palagi

Makikita sa Facebook post ng Moki Cruz Photography ang naging kasalan nina Mimi Miaco at John Paul Rivera at pumukaw sa atensiyon ng maraming netizens ang tattoo ng mag-asawa sa kanilang palasingsingan na replacement nila sa tradisyonal na wedding ring.

Larawan mula sa Facebook page ng Moki Cruz Photography

‘Palagi’ ang nakasulat sa tattoo nina Rivera at Miaco sa kanilang ring finger dahil naisip daw nila na masyado nang common ang infinity symbol sa mga singsing at ‘di raw tulad ng isang wedding ring, ang tattoo ay kailanman nasa kanilang mga daliri.

“When we were thinking of a ring design, an infinity symbol was too common. And instead of choosing ‘forever’ or ‘always,’ we thought of a Tagalog word that had a good ring to it: ‘palagi,’ sabi ni Miaco sa panayam ng Female Network.

Dagdag pa niya, magandang simbolo ng kanilang wagas na pagmamahalan ang tattoo dahil habambuhay na raw sa kanila ang mga ito.

“If we’re talking about representing our commitment, the tattoos for us, just felt so right—even if we bathe, get sick… it’s with us,” dagdag ni Miaco.

Pinagawa raw nila sa tattoo artist na si Kat Fallaria ang kanilang kakaibang wedding ring tattoo at gumastos lamang sila ng P2,500 para dito.

Larawan mula sa Facebook page ng Moki Cruz Photography

Maliban sa kanilang mga tattoo, trending rin sa social media ang kanilang wedding preparation photos na imbes na ipakita ang kanilang magarbong paghahanda sa mismong araw ng kasal, nagkaroon sila ng photoshoot kasama ang kanilang mga bridesmaid at best men na nakasuot lamang ng kanilang pambahay.

Ayon kay Miaco, ginawa raw nila ang pambahay na wedding shoot dahil gusto raw nilang maging chill lamang ang kanilang kasal at ipakita ang natural na kasiyahang nadarama nilang mag-asawa at ng buong barkada na kasama sa entourage ng kanilang wedding.