Louis Vuitton na dyip, kinaaaliwan ng netizens

Imahe mula sa Facebook account ni Quickstrikeasia Manila

Isa ang Louis Vuitton sa pinakamahal na luxury brand sa mundo. Kilala ito sa paggawa ng mga leather goods, handbags, trunks, sapatos, relo, alahas, at accessories.

Madaling malaman kung ang isang produkto ay LV brand dahil karamihan sa mga ito ay may nakalagay na LV monogram.

Dahil sa kamahalan, madalas lamang natin itong madaanan sa high-end malls at makita sa mga Instagram posts ng mga artista at celebrities.

Ayon sa iprice website, ang pinakamurang LV bag ay nagkakahalaga ng 13,000 pesos. Ang pinakamahal naman ay nagkakahalaga ng lagpas sa 100,000 pesos.

Public Domain Image

Well, marami man sa atin ang hindi kayang bumili ng LV, maaari naman tayong sumakay sa dyip na isinunod sa disenyo ng LV bags.

Trending ang Facebook post ng Quickstrikeasia Manila na larawan ng isang dyip na pininturahan upang magmukhang LV bag. Kakaiba ito sa pangkaraniwang disenyo ng mga dyip sa Pilipinas na stainless, may drawing ng mga tao o hayop, o may nakalagay na pangalan ng pamilya.

Maraming netizens ang naaliw sa disenyo ng dyip. Nag-iwan sila ng mga nakakatawang komento tungkol sa mga maaaring maging diyalogo ng driver at pasahero sa loob ng LV na dyip.

Imahe mula sa Facebook account ni Quickstrikeasia Manila

Isinunod ni Deacon Luke ang sasabihin ng driver kapag nakatanggap ng bayad sa kadalasang linya ng mga kahera sa supermarket. “Me: Kuya, bayad po. Kuya: I received 20 pesos.”

Tila naman may Game of Thrones hangover pa si Marron Santillan base sa kaniyang komento, “*jeepney barker approaches you inside* Good evening, Your Grace. Coffee or tea?”

Ayon naman kay Julian Cortez, “Saan kayo bababa mga hampas lupa?” Kay yaman pala ni manong jeepney driver!

Imahe mula sa Facebook account ni Quickstrikeasia Manila

Ipinost naman ni Diana Gazelle Morco Corporal sa comments section ang nagtrending na larawan ng sari-sari store na may takip na Balenciaga. Misis daw ng jeepney driver ang may-ari ng sari-sari store.

Katulad ng LV, kilala ang Balenciaga sa pagbebenta ng mamahaling sapatos at handbags.

As of June 6, 2019, mayroon nang 12,000 reactions, 2,900 comments, at 23,000 shares ang post ng Quickstrikeasia Manila.