Larawan ng “mataas na tindahan”, kinaaliwan at nagdulot ng palaisipan

Imahe mula sa Facebook account ni Jasmin Usman

Sabi nga, may mga bagay sa mundong ito na “mahirap maunawaan at maipaliwanag”.

Katulad na lamang ng isang larawan na kumakalat sa social media na nagdulot ng palaisipan sa mga netizen. Ipinakikita sa larawan ang isang tindahang napakataas, at hindi malaman ng nagbahaging netizen na si “Jasmin Usman” sa kanyang Facebook post kung paano makabibili rito.

“So paano ako bibili?”

Imahe mula sa Facebook account ni Jasmin Usman

Kinaaliwan naman ng mga netizen ang naturang mga larawan. Matatagpuan umano ang naturang tindahan sa isa sa mga bayan sa Kabuntalan, Maguindanao. Kinakailangan pa umanong umakyat sa mga “coco lumber” na nasa ibaba ng tindahan upang makabili lamang.

“Saklap ,hindi talaga makatarungan ang salitang customer is always right diyan kung aakyat pa at mag–eeffort.”

“Ganyan daw para walang magnakaw hahaha…”

“Nagbabaha raw kasi d’yan kaya mataas… at para hindi manakaw ang mga paninda. O kaya naman, ayaw magpautang hahaha.”

“Okay lang kung mataas ang tindahan pero huwag lang ang presyo ng paninda nila.”

“Kasi bumabaha yata diyan, abot hanggang taas. Kaya nagbabangka na lang yung bumibili hahaha.”

Imahe mula sa Facebook account ni Jasmin Usman

Ang pagkakaroon ng tindahan o sari–sari store sa mga lansangan o bawat lugar ay bahagi na ng kulturang Pilipino. Nauso ang tingian o paisa–isang pagbili ng mga pangunahing produktong kadalasang ginagamit sa mga tahanan. Mabibili rito ang iba’t ibang pampalasa, sitsirya, kendi, at iba pang mga samo’t saring produkto sa murang halaga.

Ang bawat tindahan sa bawat kapitbahayan ay nagsisilbing “takbuhan” sa panahon ng pangangailangan. Kapag suki na ng isang may–ari ng tindahan ang kanyang kapitbahay, maaari na itong pautangin. Tipikal ang mga litanyang “Pakuha po kami ng….” na nangangahulugang saka na ang bayad, kapag may suweldo na.

Minsan, sa isang kalye ay may higit dalawang tindahan, na minsan ay magkakatabi pa. Kadalasang ipinangangalan ang tindahan sa may–ari nito: Lydia’s Store, Mang Kanor’s Store, Pepe Store, at lahat ng pangalan. Subalit hindi katulad ng nasa larawan, halos lahat ng tindahan ay nasa ibaba, kayang abutin at puntahan ng mga mamimili.

Public Domain Image