Lalaking pasahero, naging “Good Samaritan” sa ginang na patungong ospital para magsilang




Imahe mula sa Facebook account ni Khen Pili
  • Tinulungan ng isang lalaki ang mag–asawang nakasakayan sa isang jeepney sa Lipa, Batangas
  • Binigyan niya ang mag–asawa ng 1, 500 piso dahil manganganak na ang buntis na misis
  • Ibinigay pa niya ang kanyang cellphone number kung mangangailangan pa ito ng tulong

Sa panahon ngayon, mapalad tayong hindi pa rin nawawala ang “Mabubuting Samaritano”  sa ating paligid.

Ibinahagi ng isang netizen na nagngangalang “Khen Pili” ang kanyang nasaksihang akto ng kabutihang–loob habang siya ay nakasakay sa isang pampasaherong jeepney sa Lipa, Batangas, noong Hunyo 28, 2019.

Ayon sa kanyang Facebook post, may nakasabayan siyang mag–asawa na may kasamang anak na babae na walang tigil sa pag-iyak. Napansin nilang nagdadalang-tao ang misis.

Isang lalaking pasahero ang hindi nakatiis, kaya binigyan niya ng 500 piso ang bata para sa pangkain nito. Subalit hindi pa pala iyon ang problema, dahil napansin nilang tila napapangiwi at iba na ang lagay ng buntis na misis. Manganganak na pala ito, at dahil wala naman silang sariling sasakyan, sumakay na lamang sila sa jeepney patungong ospital sa Lipa.

Imahe mula sa Facebook account ni Khen Pili

Hindi nagdalawang-isip ang lalaking pasahero na bigyan ng karagdagang 1,000 piso ang mag-asawa. Ibinigay din niya ang kanyang cellphone number upang matawagan siya ng mga ito, kung sakaling mangailangan ng tulong.

“…dinagdagan pa ni kuya ng 1k yung una n’yang ibinigay na 500 nang nalaman na manganganak na pala yung babae, ibinigay din n’ya ang number n’ya sa mag-asawa at tawagan daw siya kung sakaling kailangan ng tulong at tutulong daw siya..”

Hindi naman maiwasang humanga sa naturang “mabuting Samaritano” ang mga netizens.

“Saludo ako sa’yo boss. Ang mga katulad mo ay siyang pinagpapala ng Diyos.”

“Pagpalain ka ng Diyos sa iyong pagkakawang-gawa.”

“A good Samaritan, a present day hero… salute sa’yo, Kuya!”

Imahe mula sa Facebook account ni Khen Pili

May isang netizen na naka–relate dito at nagbahagi naman ng kanyang karanasan.

“Parang nangyari sa akin habang bumibili ako ng BBQ para pulutan namin kasi birth day ko, tinanong ako kung bakit marami binili ko, sagot ko, ‘Birthday ko kasi, mag–iinuman kami sa labas ng opisina’, at inabutan niya ako ng 1, 000 pesos sabay sabing ‘Happy birthday’. Nakakahiya man tanggapin kasi hindi ko naman kilala, pero sa huli tinanggap ko pa rin.”

Hindi naman nakuha ang pangalan ng naturang lalaki na may ginintuang puso. Kung sino at nasaan ka man, pagpalain ka nawa ng Poong Maykapal!