Kim Chiu, naghahanda na sa pagganap sa life story ng idolo niyang volleyball MVP na si Cherry Ann Rondina




Larawan mula sa Instagram account nina Kim Chiu at Cherry Ann Rondina

Kung mayroong celebrity loyal fan ang women’s volleyball team ng Ateneo de Manila University sa katauhan ng Kapamilya actress na si Angelica Panganiban, hindi naman pahuhuli ang University of Santo Tomas Golden Tigresses dahil malaking tagahanga ng isa nilang manlalaro ang aktres at host na si Kim Chiu.

Vocal ang ‘Chinita Princess’ sa paghanga niya sa UST alumna na si Cherry Ann ‘Sisi’ Rondina at sinubaybayan pa ang naganap na final series sa women’s volleyball ng nagdaang UAAP Season 81. Hindi man nauwi ni Rondina at iba pang UST players ang kampeonato, nagpahayag pa rin ang kanilang fans kasama si Chiu ng buong suporta sa koponan.

Larawan mula sa Instagram account ni Kim Chiu

Matapos ang UAAP, hindi na lamang mananatiling fan at idol connection ang relasyon nina Chiu at Rondina dahil nagbigay ng pahiwatig ang Kapamilya actress na nakatakda niyang gampanan ang life story ni Rondina sa isang episode ng Maalaala mo Kaya (MMK).

Sa pamamagitan ng isang IG story sa kanyang Instagram account, ipinasilip ni Chiu ang kanyang volleyball training na paghahanda umano sa isang role. Bagama’t di pinangalanan ni Chiu kung anong proyekto at kaninong istorya ang gagampanan niya, kalaunan ay kinumpirma naman ito ng ABS-CBN.

“Doing this seriously. Kaya to!!! Aja! Looking forward on playing as ‘you,” pahayag ni Chiu sa kanyang social media post kasama ang video na nire-receive niya ang isang volleyball.

Nang matapos ang UAAP Season 81, umugong ang balitang itatampok ang buhay ng 5’6-foot hitter ng UST sa MMK.

Sa isang pahayag, nagbiro si Rondina na ang gusto niyang gumanap sa kanyang buhay ay si Chiu na ikinatuwa naman ng aktres.

Larawan mula sa Instagram account ni Cherry Ann Rondina

Natuwa naman ang fans ng dalawang ‘icons’ sa kani-kanilang larangan dahil parehas na nagmula sa Cebu ang dalawa at sakto raw ang magiging pagganap ni Chiu lalo kung gagamit ng wikang Cebuano sa mga eksena.

Wala pang eksaktong date kung kailan ipalalabas ang MMK episode tungkol kay Rondina ngunit ngayon pa lamang ay inaabangan na ito ng mga fans.