Keanu Reeves, sinabihang “You’re breathtaking!” sa presscon ng upcoming video game

Imahe mula sa video ng GameSpot via YouTube channel

Matapos ang pamamayagpag sa takilya ng pelikulang John Wick, na napanood sa taong ito ang ikatlong kabanata, ay masasabing malaki ang impluwensiya ng mga action stunts ni Keanu Reeves upang mapili rin siyang action figure sa isang role-playing video game.

Sa isang press conference ng Electronic Entertainment Expo (E3 2019) ng Microsoft noong Hunyo 9 sa Los Angeles, pormal na ipinakilala si Reeves bilang isa sa mahahalagang tauhan ng upcoming video game na “Cyberpunk 2077.”

Ikinagulat ng mga gamers na naroon sa press conference ang paglabas ng 54-taong-gulang na aktor sa stage. Hindi nila akalain na magpupunta roon ang Hollywood actor.

Ikinuwento ni Reeves sa mga video game fanatics na kinausap umano siya ng video game publisher na CD Projekt Red na maging kabahagi ng kanilang upcoming project na planong ilabas sa Abril 16, 2020.

Imahe mula sa Twitter account ni Peter “Breathtaking” Sark

“They were going on and on about how they’d create this vast, open world with a branching storyline. How you’d be able to customize your character by in-game choices,” paliwanag ng aktor.

“And it’s not something I knew before, but I was excited by. And I’m always drawn to fascinating stories,” dagdag pa niya.

Kinumpirma rin ni Reeves na may appearance siya sa video game.

“The feeling of being there… of walking the streets of the future is really going to be breathtaking,” dagdag pa ng aktor.

May isa namang male fan ng aktor ang sumigaw mula sa crowd ng: “You’re breathtaking!” na ipinatutungkol kay Reeves. Hindi naman napigilan ng mga manonood, maging ni Reeves, ang matawa o mapangiti sa tinuran ng kaniyang fan.

Nabigla man, natatawa pa ring sumagot si Reeves na: “You’re breathtaking! You’re all breathtaking!”

Ang eksena umanong ito ay naging viral din sa Twitter.

Imahe mula sa Twitter account ni Marcin Momot

Samantala, ang fan na iyon na si Peter Sank ay makatatanggap ng libreng “Cyberpunk 2077 Collector’s Edition.”

Bukod sa pagiging isang “John Wick,” si Reeves ay nakilala rin bilang “Neo” sa blockbuster movie series ng The Matrix (1999–2003).