Kawalan ng access sa makabagong teknolohiya, hindi hadlang upang maturuan ang mga bata ng ICT

Imahe mula sa Pexels

Bahagi ng basic education sa Pilipinas ang pagtuturo ng Information Communication Technology (ICT). Ang paggamit ng mga makabagong teknolohiya sa mga paaralan ay makatutulong sa mga mag-aaral upang agad na maunawaan ang mga pagbabagong dulot ng teknolohiya.

Marami na ring paaralan sa mga siyudad ang may access sa Internet at nagpapagamit na ng mga smartphone at tablet sa mga estudyante para sa sinasabing digital learning.

Sa kabila nito, marami pa ring mga batang Pilipino, lalo na sa mga liblib na lugar sa probinsiya, ang wala pang muwang sa digital na mundo.

Kabilang sa mga batang walang access sa mga makabagong teknolohiya ang mga mag-aaral sa Balutakay Elementary School sa Managa, Bansalan, Davao del Sur.

Imahe mula sa Facebook ng Balutakay Elementary School

Ayon sa report ni Orlando B. Dinoy sa Inquirer, ang paaralan na matatagpuan sa Mount Apo ay may layong 15 kilometro mula sa sentro ng bayan at 25 kilometro naman mula sa business district ng bayan. Walang cell site at wala ring Internet connection sa lugar.

Upang maituro sa mga bata ang paggamit ng mga kompyuter at internet, ang ICT teacher na si Maricel Mamalias ay gumagamit lamang ng mga chalkboard illustration.

Ayon pa sa report, sinabi ng school principal na si Maria Editha Pedregosa na ang kawalan ng access sa teknolohiya ay may malaki umanong disadvantage sa mga mag-aaral at sa mga guro.

Inamin din ni Pedregosa na sa tuwing nagpapatawag ng meeting ang DepEd ay madalas siyang hindi nakadadalo dahil walang signal ang kaniyang mobile phone.

Sa kabutihang-palad, ang kakulangang ito sa kanilang paaralan ay hindi ginawang hadlang ng kanilang mga guro upang pagbutihan ang pagtuturo.

Imahe mula sa Pixabay

Seryoso umano ang mga kaguruan sa Balutakay Elementary School na makapag-ambag sa kabutihan ng mga ‘most disadvantaged’ sa ating lipunan. Kung hindi nila maituturo sa mga bata ang tungkol sa digital technology, lalong mapag-iiwanan ang mahihirap na bata.

Samantala, sinabi rin sa report na ang Grade 6 teacher na si Mamalias ay gumuguhit ng mga ilustrasyon sa pisara upang mabigyan ng ideya ang mga bata kung ano ang itsura ng isang computer.