Kasalan sa Batangas na may masaya at bonggang paghahanda, ibinida

Imahe mula sa Facebook account ni Vilma Bautista
  • Ibinida ng isang netizen ang isang bonggang paghahanda para sa kasalan ng magkasintahan sa Batangas
  • Makikita sa larawan ang halos isang dosenang paa ng baboy at iba pang mga pampalasa bilang paghahanda para sa reception
  • Iba’t iba ang ibinigay na reaksyon dito ng mga netizen

Pangarap ng isang babae na magkaroon ng isang “memorable” o hindi malilimutang kasal.

Ang pakikipag-isang dibdib ay isang sagradong bagay na ginagawa lamang ng mga taong nagmamahalan at handang magsama sa hirap man o ginhawa, upang bumuo ng kanilang sariling pamilya.

Usap-usapan ngayon sa social media ang ibinidang masaya at bonggang paghahanda sa isang kasalan sa lalawigan ng Batangas. Kasal iyon ng magkasintahang sina “RJ Bautista” at “Nica Villena”, at ang nagbahagi ng marangyang paghahanda para sa reception ay si “Vilma Bautista” noong Hunyo 21, 2019.

Ayon sa kanyang Facebook post, kabahan na ang mga mapapangasawa ng kanyang mga kapatid dahil sa reception pa lang ay tiyak na mapapagastos na. Ganoon daw sila “magbaysanan” sa Batangas. Ang salitang baysanan ay kasingkahulugan ng kasalan.

Paglilinaw ng netizen, sariling gastos nila ang mga naturang paghahanda at hindi utang. Makikita sa mga ibinahaging larawan ang halos 12 paa ng kinatay na baboy na ipinatong sa mga plastik na upuan. May mahabang mesa na kinalalagyan ng mga suman, mga kahon, at iba’t ibang mga pampalasa.

Imahe mula sa Facebook account ni Vilma Bautista

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon mula sa mga netizens.

“Ganyan talaga ang kasalan diyan sa Batangas, bongga. Para bless din ang pagsasama.”

“Ang baysanan sa Batangas ay hindi dapat palagpasin. Bahagi na iyan ng kultura sa Batangas.”

“Yayamanin naman ang mga ikakasal! Huwag lang sanang maghihiwalay. Sayang ang lahat ng ito kung sa ending, maghihiwalay rin sila.”

Imahe mula sa Facebook account ni Vilma Bautista

Iba-iba ang paraan ng tradisyunal na pagpapakasal sa Pilipinas. Nakasanayan na sa mga lalawigan na kapag may mahahalagang pagdiriwang sa isang pamilya, imbitado ang lahat ng mga kaibigan, kakilala, at kababaryo.

Nagkakaroon din ng bayanihan kung saan nagtutulong-tulong ang mga magkakapitbahay sa paghahanda at pagluluto ng mga pagkain. Naghihiraman pa sila ng mga kagamitan kapag nagkulang. Hanggang sa pagliligpit, pag-aayos, at paghuhugas sa mga pinagkainan ay ginagawa rin nila.

Habang nagbabago ang panahon, at dahil na rin sa kahirapan ng buhay, may ilang mga nagpapakasal na pinipiling maging simple o payak na lamang ang seremonya at reception.

Payak man o magarbo, ang mahalaga sa kasalan ay ang mapanghawakan at mapanindigan ang pangako at panata sa isa’t isa at sa banal na dambana na magsasama sila sa hirap at ginhawa.

Source :

Facebook