Kakaibang prenup shoot ng couple na nakasuot lamang ng kahon, trending sa social media




Larawan mula sa Facebook page ng Dexter Eusebio Films
  • Trending ngayon sa social media ang prenup photos ng couple na nakasuot lamang ng kahon
  • Ito raw ay para ipakita na ang pagmamahal ay nakikita maging sa mga simpleng bagay lamang
  • Maliban sa kahon photos, may mga kuha rin ang couple na nakasuot sila ng formal clothing

Kung nauuso ngayon ang magagarbong konsepto ng prenuptial ng mga ikakasal, tila binago naman ng isang couple ang trend dahil imbes na magagarang damit ang kanilang isuot, malaking kahon ang isinuot nila sa kanilang prenup photos.

Viral ngayon sa Facebook ang post ng photographer at events videographer na si Dexter Eusebio kung saan makikita ang mga larawan ng couple na sina Jeffrey at Marivic na imbes na naka-formal wear, ay mas piniling magsuot lamang ng kahon sa kanilang prenup pictorial.

Kahit na kahon lamang ang suot ng bride and groom to be, sa isang resort naman kinuhanan ang mga larawan ng dalawa.

Larawan mula sa Facebook page ng Dexter Eusebio Films

Ayon sa post ni Eusebio, hindi naman daw ito pagtitipid ngunit nais lang daw ipakita ng dalawa na hindi nasusukat sa salapi o kayamanan ang pag-ibig. Kahit umano walang-wala na sila, ay mas pipiliin pa rin nilang makasama ang isa’t isa.

Lalo pang naipakita ng dalawa ang simplicity ng kanilang pagsasama nang kuhanan ang mga larawang kumakain sila sa turo-turo o streefood habang suot ang mga kahon.

Ngunit maliban sa kanilang kahon pictures, mayroon din namang maaayos na damit na isinuot ang dalawa bilang bahagi ng second session ng kanilang prenup pictorial. Dito ay nakasuot na sila nang gown at suit at ipinakita ang kanilang eleganteng side.

Umani naman ng papuri ang kakaibang prenup photos nina Jeffrey at Marivic at habang isinusulat ang balitang ito, umabot na sa mahigit 3,500 reactions, 1,300 comments, at 2,300 shares ang album ng kanilang mga larawang naka-post sa Facebook page ni Eusebio.

Ayon sa mga netizen, gusto nila ang konsepto ng photoshoot dahil patunay lamang daw ito na hindi nahahanap ang pagmamahal at tunay na ligaya sa mga magagarbong bagay.

Larawan mula sa Facebook page ng Dexter Eusebio Films

Tila hindi naman makapaniwala sa Jeffrey sa naging pagtanggap ng mga netizen sa kanilang mga larawan at patuloy na nagpapasalamat sa pamamagitan ng kanyang Facebook account.

Maliban sa mga larawan, mayroon ding video na inilabas si Eusebio sa kanyang Facebook page na ipinakikita pa rin sina Jeffrey at Marivic na suot ang kahon.