Jayson Castro, hindi maglalaro sa Gilas Pilipinas para sa FIBA World Cup sa China; posibleng magretiro na




Larawan mula sa Facebook page ni Jason Castro "The Blur"
  • Hindi maglalaro para sa Gilas Pilipinas ang best point guard in Asia na si Jayson Castro
  • Pamilya daw ang dahilan ni Castro sa pagliban sa FIBA World Cup
  • Naiisip na rin daw niyang magretiro na sa Gilas Pilipinas

Kung naging magandang balita para sa mga Pinoy basketball fans ang pagpasok ng Gilas Pilipinas para sa FIBA World Cup 2019 na gaganapin sa China, isang malungkot na balita naman ang kinumpirma ng isa sa mga best point guards sa Asya na si Jayson Castro na hindi siya maglalaro sa national team para sa FIBA World.

Ayon sa naging pahayag ni Castro na kilala rin sa moniker na “The Blur,” uunahin daw muna niya ang pamilya ngayon kaya hindi muna siya maglalaro para sa Gilas. Magsisilbi na rin daw itong pahinga lalo na’t sunod-sunod ang naging commitments niya sa professional league at sa iba’t ibang international tournaments na sinalihan ng Team Pilipinas sa mga nagdaang taon.

Larawan mula sa Facebook page ni Jason Castro “The Blur”

“I want to focus on my family because it has been almost seven years of non-stop basketball,” sabi ng 32-anyos na si Castro na kasalukuyang naglalaro sa PBA para sa koponang TNT Ka-Tropa.

Kamakailan ay napaulat na ikinasal si Castro sa kanyang longtime partner na si Lyle Castro kung saan dumalo ang ilang niyang teammates matapos ang laro. Tumayo ding ninong sa nasabing kasal ang team manager nilang si Manny V. Pangilinan.

Ngunit hindi pa man natatapos sa no-Castro Gilas ang malungkot na balita para sa mga Pinoy basketball fans ay napabalita rin na hindi raw sigurado si Castro kung maglalaro pa siyang muli para sa national team at naiisip na raw nitong mag-retiro na.

Ayon kay Castro, ang pag-alis niya sa Gilas at ang pag-iisip niyang magbitiw na sa national team ay magbubukas ng oportunidad para sa mga bago at mas batang basketbolistang Pinoy.

Larawan mula sa Nice Print Photography

Nalulungkot man, buong-pusong tinanggap ng head coach ng Gilas Pilipinas na si Yeng Guiao ang pagliban ni Castro sa torneo dahil maganda naman daw ang dahilan nito. Maayos naman daw ang naging pagpapaalam ni Castro sa koponan at sa management at pinanatili pa rin nito ang professionalism.

Noong FIBA Asia Cup 2013 ay napasama si Castro sa Mythical Five matapos gumawa ng 11 points average per game.