Istorya ng batang gumamit ng tsinelas bilang pambura, inspirasyon sa kabataan

Imahe mula sa video ng Balitanghali via Youtube

Hindi tulad ng mga estudyanteng nag-aaral sa mga pribadong paaralan na kumpleto sa gamit pang-eskwela at uniporme, marami pa ring mag-aaral sa mga liblib na lugar sa Pilipinas ang hindi nakararanas magkaroon ng sapat at maayos na school supplies na madalas ay nagiging sanhi pa ng balakid sa kanilang pag-aaral.

Subalit sa kabila ng kakapusang nararanasan, hindi naging hadlang sa ibang kabataan ang pagsusumikap sa pag-aaral; sa halip ay ginagawa itong hamon sa buhay.

Gaya na lamang ng estudiyanteng si Harold ng La Paz North District Engracio M. Castaneda Central Elementary School sa Tarlac na pagsisikap at inspirasyon ang hatid dahil ginagawang pambura ang kanyang tsinelas sa kanyang sinusulat sa paaralan.

Imahe mula sa video ng Balitanghali via Youtube

Pumukaw sa sambayanan ang pagtitiyaga ng batang si Harold sapagkat ang mga maling naisusulat ng kaniyang pudpod na lapis ay iwinawasto niya gamit ang kanyang tsinelas imbes na ang pambura, na karaniwang nabibili sa bookstore.

Sa panayam ng Balitanghali kay Ginang Rosalie Dela Cruz, guro ni Harold, sinabi nitong maaaring tira pa noog nakaraang taon ang kanyang pudpod na lapis.

Imahe mula sa video ng Balitanghali via Youtube

“Inaabutan siya ng kaklase niya ng kapirasong eraser galing doon sa tsinelas, eh ngayon po, hindi niya yata masyadong na-erase, ang kinuha niya iyong tsinelas niya, mas naka-erase nga naman,” kuwento ng guro.

Ayon pa kay Harold, kaya umano wala siyang pambura ay nawawala lagi dahil sa sirang zipper ng kanyang bag.

Batay sa komento ng netizens, simple lamang ang kanyang pangangailangan, ang magkaroon ng pambura; kasing simple ng kanyang pangarap na makapagtapos ng pag-aaral. Sinabi rin ng ibang social media users na mapalad ang batang may dedikasyon sa pag-aaral sa kabila ng mga kakulangan sa buhay.

Isa lamang si Harold sa mga sumasalamin sa milyon-milyong mag-aaral sa bansa na hirap sa buhay kaya nahihirapan rin sa mismong pag-aaral at kailangan pang gumamit ng iba’t ibang diskarte para lamang maipagpatuloy ito.

“Gusto kong maging mangingisda, nangingisda rin po ang tatay,” sagot ng bata nang tanungin siya kung ano ang pangarap niya sa buhay.