Bumangon mula sa Yolanda: Iskolar ng journalist na si Kara David, nagtapos na cum laude sa UP




Larawan mula sa Instagram account ni Kara David
  • Nagtapos ng cum laude sa kursong BS Accountancy ang iskolar ni Kara David
  • Pinag-aral ni David si Philip Christian Palabay sa pamamagitan ng Project Malasakit
  • Bumilib si David sa determinasyon ni Palabay upang makatapos

Hindi malilimutan ng mga Pilipino kung paano nakaapekto ang Bagyong Yolanda na kilala rin bilang Haiyan, sa kanilang mga buhay, higit ang mga taga-Visayas. Dahil sa nangyari, maraming organisasyon mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo ang nagbigay ng tulong sa mga nahagupit ng bagy0.

Isa sa mga tumutok at nagpaabot ng tulong sa mga taga-Visayas ang GMA Network kung saan nagtatrabaho ang journalist na si Kara David. Sa hindi inaasahang pagkakataon, nakilala ni David ang isang bata mula sa Tacloban na kinakitaan nila ng angking talino na kalaunan ay naging iskolar niya.

Larawan mula sa Instagram account ni Kara David

Ang kuwentong ito ang laman ng isang Instagram post ni David na binibigyang-pugay ang pagsusumikap ng biktima ng Yolanda na si Philip Christian Palabay. Ayon sa award-winning journalist, nakilala nito si Palabay sa Tacloban at kinuha bilang bahagi ng kanyang Project Malasakit scholarship.

“Upon prodding of my sorority sis Mike Portes, we immediately took in Philip as a scholar of Project Malasakit,” bungad ni David sa kanyang social media post.

Dahil sa taglay na katalinuhan at tiyaga ni Palabay, nakapasa ito sa entrance examination ng University of the Philippines – Visayas (UP) na UPCAT. Nag-enroll ito sa kursong BS Accountancy. At matapos ang higit limang taon, natapos niya ang kurso at iniuwi ang karangalan bilang cum laude.

“After more than 5 years, here he is now – graduating cum laude in BS Accountancy with an SGV Excellence Award!” sabi ni David sa kanyang post.

Pinuri din ng I-Witness at Brigada host ang kasipagan ni Palabay upang mapagtagumpayan ang mga hamon sa buhay. Ayon sa premyadong mamamahayag, wala umanong anumang sakuna ang makahahadlang upang abutin ang pangarap ng isang taong puno ng pangarap.

Larawan mula sa Instagram account ni Kara David

“Truly, no typhoon can ever destroy this young man’s dream! Hard work, passion, and compassion really pays off! Congratulations, Philip!” pagbati ni David.

Kamakailan, isa pang iskolar ni David ang nakapasa sa licensure exam upang maging isang opisyal nang guro.

Itinatag ni David ang Project Malasakit noong 2002 na naglalayong makatulong sa mga batang makatapos ng pag-aaral.