Isang barangay sa Tarlac, nakaipon ng sangkaterbang langaw na nagdudulot ng perwisyo

Imahe mula sa video ng 24 Oras via Facebook

Tila isang delubyo kung ituring ang pagsalakay ng mga langaw sa barangay ng Olay Buaya sa Gerona, Tarlac.

Talaga nga namang hindi nakatutuwa kung ang mga langaw na ito ay kasama mo sa araw-araw, labas pasok sa iyong tahanan, at hindi pa mapigilang dumapo sa mga pagkain na saglit pa lamang nailalapag sa mesa. Nagiging dahilan din ito ng pagkakaroon ng sakit ng ilang mga residente.

Nang kanilang kilatisin, agad nilang nalaman na ang mga langaw na ito ay nagmumula sa isang poultry farm na matatagpuan rin sa kanilang barangay.

Iclick ang imahe upang mapanood ang video mula sa 24 Oras via Facebook

Nang bisitahin ng GMA News ang naturang lugar upang ibalita at ipaalam sa kinauukulan ang perwisyong dulot ng mga ito, bumungad ang nakakikilabot na isang batyang naglalaman ng mga ***** na langaw na naipon ng mga residente.

Dahil wala silang ibang agarang solusyun upang malutas ang kinakaharap na problema sa napakaraming langaw, sila ay gumagamit ng sticky flypaper na halos mangitim na sa dami ng langaw na dumadapo at nadidikit dito.

“Sobra pong marami, sir. Dalawang linggo na po halos. Hindi na po kami halos makakain. Nagkukulambo na po kami minsan. Minsan po nasa kwarto. ‘Yung apo ko nagkakasakit na,” ayon sa isang residenteng si Noralyn Inocencio.

Kuwento niya, hindi raw maubos-ubos ang mga langaw kahit pa araw-araw o magdamag silang maglagay ng mga flypaper sa loob ng buong bahay. Maging ang paggamit ng mga kemikal para puksain ang mga ito ay ginawa na rin subalit bigo pa rin sila.

Nang hingiin ang panig ng may-ari ng naturang poultry farm, inihayag niya na handa silang makipagtulungan sa mga residente, gayon rin ang patuloy nilang pakikipag-ugnayan sa mga opisyal ng kanilang barangay.

Imahe mula sa Pixabay

Naidulog na rin mismo sa munisipyo ang problema ng barangay sa mga langaw. Paliwanag ng mga awtoridad, tuwing tag-ulan ay dumarami ang mga langaw at madalas na kumakalat sa mga lugar na maraming manok gaya ng poultry farm.

“Ang ginagawa namin, ini-inspection namin tapos titingnan na kung talagang lumalabas ‘yung mga langaw. May ginagamit na pamatay ng langaw, ‘yun ang recomendation ng MENRO,” pahayag ni Roy Paduit, MENRO Staff Officer sa Gerona, Tarlac

Source :

GMA, Facebook