Gurong nag-post hinggil sa comfort room na ginawang faculty room balak kasuhan ng paaralan




Screen shot mula video ni Rex Remitio

Tila naging kaawa-awa ang kalagayan ng mga guro sa isang pampublikong paaralan sa Cavite makaraang gawing faculty room ang isang comfort room.

Sa video na ibinahagi ni Maricel Herrera, Pangulo ng Teachers’ Association sa Bacoor National High School, kitang-kita ang nakaaawang sitwasyon ng mga guro sa kanilang nilipatang faculty room.

Ayon sa ulat ng CNN, ilang araw bago ang pagbubukas ng klase, ilang mga guro doon ang napilitang gawing faculty room ang isang comfort room.

Ayon kay Herrera, masikip para sa 11 guro ang nilipatang bagong faculty room.

Screen shot mula video ni Rex Remitio

“Walang problema doon kasi kung talagang kakailanganin ng bata, priority ang bata. Ang problema doon ay walang ibinigay na maayos na room, walang ibinigay na maayos na lugar para sa mga teachers,” ayon kay Herrera.

“Sabi nga ng isang teacher, CR yun eh. Wala namang matinong drainage na nandiyan eh. So pag sumingaw ‘yun o umulan, mainit yun pag umulan, ang singaw noon nasa teacher,” saad pa ni Herrera.

“Hahanapin ka ng mga parents… Nandoon baka sa building ng CR na yun… ‘Di ba nakakadegrade?” dagdag pa nito.

Si Herrera ay isang regional leader din ng Alliance of Concerned Teachers.

Ang masaklap pa’y naglaan ng sariling pera ang mga guro para sa pagpapagawa ng faculty room kung saan sila’y may ambag na tig-₱1,000 bawat isa.

Hindi umano pinahintulutan ang media na makapasok sa paaralan upang ma-verify ang video. Tumanggi ring magbigay ng pahayag ang pamunuan ng paaralan.

Imahe mula  sa video ni Rex Remitio

Sinabi naman ni Education Secretary Leonor Briones na kanilang titignan ang sitwasyon at iginiit na isolated case lamang ito.

“We thank media for calling our attention to these things … yung mga kulang sa facilities, meron pa ring mga ganyang istorya. But that does not speak about the entire picture of education itself,” ani Briones.

Tinuran din ng Kalihim na simula pa noong isang taon na sila’y handa sa mga problema sa kakulangan ng silid-aralan.

Samantala, nagbanta ang punungguro ng naturang paaralan na kakasuhan ang isa sa kanilang mga guro matapos nitong ibahagi sa social media na ginamit umano ang mga comfort room (CR) ng eskuwelahan bilang faculty room.

Ayon kay Anita Rom, principal ng Bacoor National High School, hindi niya iniutos na sa CR mag-faculty room ang mga guro.

Panoorin ang kabuuan ng ulat na ito sa ABS CBN video: