Guro sa Sorsogon nagtuturo ng pagbasa at iba pa sa balsa




Public Domain Image
  • Guro sa Sorsogon nagtuturo ng ng pagbasa at iba pa sa mga bata
  • Itinaguyod niya ang “Balsa–Basa Program”
  • Tinuturuan niyang bumasa ang mga “out of school youth” at iba pang mga batang hindi pumapasok sa paaralan, sa ibabaw mismo ng balsa

Isang guro mula sa Sorsogon ang nagpamalas ng kanyang dedikasyon bilang isang “panday ng kaalaman” sa pamamagitan ng pagtuturo ng pagbasa at iba pang asignatura sa pamamagitan ng isang “balsa”.

Pinatunayan ng guro na si Teacher Ryan Habitan Homan, na siya ring punungguro ng San Jose Elementary School sa Donsol, Sorsogon na “handa niyang tawirin ang ilog” upang makapagbigay–serbisyo sa mga batang kapuspalad sa pamamagitan ng kanyang “Balsa–Basa Program”.

Sa kabila ng agam–agam ng mahahalagang taong nakapaligid sa kanya, ipinagpatuloy pa rin ni Teacher Ryan ang kanyang adhikain na turuang bumasa ang mga “out of school youth” at iba pang mga batang hindi pumapasok sa paaralan, sa ibabaw mismo ng balsa.

Ang balsang ito ay tila isang silid–aklatan o library na palutang–lutang sa tubig.

Public Domain Image

Karamihan sa mga pamilya sa Donsol ay naninirahan sa mga liblib na lugar. Halos isang oras ang kanilang binabagtas kapag sila ay nagtutungo sa paaralan upang pumasok sa klase. Kaya naman, marami sa kanila ang elementarya lamang ang natatapos sa pag–aaral. Wala silang sapat na pera upang magpatuloy pa sa high school.

Kaya naman, marami sa kanila ang naghahanapbuhay na sa murang edad pa lamang upang matulungan ang kanilang mga magulang sa pagtataguyod ng kanilang pamilya.

Ito ang naisip na dahilan ni Teacher Ryan na gumawa ng isang programa upang mapaunlad pa ang literacy ng mga mag–aaaral sa Donsol na hindi na pumapasok sa regular na klase sa mga paaralan.

Matiyagang inisa–isa ni Teacher Ryan ang bawat bahay sa Donsol na may mga batang hindi na pumapasok sa paaralan. Hinihikayat niya ang mga magulang ng mga batang ito na payagan silang isama upang maturuan ng pagbabasa. Libre din ang pagkain para sa kanila.

Public Domain Image

Ayon kay Teacher Ryan, ginagawa niyang aklat ang mga lumang kalendaryo at manila paper. Subalit nang marami na ang nakakaalam sa kanyang programa, nagsimula nang dumagsa ang mga donasyong aklat at kagamitan sa paaralan.

Noong 2018, napasama si Teacher Ryan sa Top 40 Finalists ng Global Teacher Prize na inilunsad ng Varkey Foundation dahil sa kanyang natatanging kontribusyon sa pagpapalawig ng edukasyon.

Tunay siyang kahanga-hanga sa kanyang pagmamalasakit at pagmamahal sa mga batang nangangailangan ng inspirasyon.

Itinampok ang “Balsa–Basa Program” noong Sabado, Hunyo 15, 2019 sa longest–running drama anthology na “Maalala Mo Kaya” sa pagganap ni Zanjoe Marudo.

Imahe mula sa Twitter account ng MMK

Ang balsa ay isang uri ng sasakyang pantubig na yari sa pinagdikit–dikit na kawayan.