Guro sa Malaysia, kinalinga ang mag-aaral na may maluwag na pants at sapatos pang–eskwela

Imahe mula sa Facebook account ni Mohd NasirMohd Zain

Kaugnay ng mainit na usapin hinggil sa mga guro at eskwela, patuloy na pinag–uusapan sa social media ang kuwento ng isang guro sa Malaysia kung saan binilhan niya ng gamit ang isang mag–aaral na may maluwag na pants at sapatos pang–eskwela.

Itinampok sa blog site na “Buhay Teacher” noong Pebrero 1, 2019 ang naturang guro sa Malaysia na nagkusang–loob na bilhan ng bagong mga damit at gamit ang isang mag–aaral na hirap na hirap lumakad dahil sa maluwag na pants at malaking sapatos nito na hindi kasya sa kanyang mga paa.

Ang mas nakaaantig dito, hindi niya mag–aaral, o hindi kabilang sa kanyang tinuturuang klase ang naturang bata.

Ayon sa Facebook post ng Malaysian teacher na si “Mohd NasirMohd Zain” noong Enero 3, 2019, napansin niya ang isang mag–aaral ng Grade 3 na pakaladkad na naglalakad sa kalsada papasok ng eskwela. Hawak–hawak ng bata ang pants paitaas dahil hindi ito makapaglakad nang maayos. Mukhang pinaglumaan lamang ang pants. 

At hindi nagkamali ang guro.

Sa kanyang pag–uusisa, nalaman niyang ang malaking pants, at maging ang sapatos na suot nito, ay pag–aari ng kanyang kuya na Grade 6 naman.

Imahe mula sa Facebook account ni Mohd NasirMohd Zain

“I asked him why was he walking like that. He told me that he couldn’t walk properly because his shoes were too big for him. I could fit three fingers in the space in his shoes,” saad ng guro na isinalin sa wikang Ingles.

Bilang guro, alam ni Zain na makaaapekto sa bata ang mga bagay na ito, dahil maaari siyang tuksuhin ng kanyang mga magiging kaklase, at baka hindi na ito tuluyang pumasok pa sa eskwela. Bagama’t wala siyang gaanong pera, napagpasyahan niyang ibili ng mas maayos na uniporme ang bata.

Sa permiso ng punungguro, isinama niya ang bata sa Kepala Batas, isang bayan, kung saan binilhan niya ng mas maayos na uniporme at sapatos ang bata, na may kasama pang tie! Kitang–kita sa mukha ng bata ang hindi mapapantayang tuwa!

Imahe mula sa Facebook account ni Mohd NasirMohd Zain

Pinuri ng mga netizens ang ginawang kabutihan ng guro. Tunay na hindi matatawaran ang mga gurong may tunay na malasakit  at ginintuang puso!