‘Great leader’ sa Kamara: Gloria Arroyo, binigyan ng tribute video bago bumaba sa puwesto




Image capture mula sa Facebook video

Ilang linggo bago ang pagbaba sa puwesto ni Gloria Macapagal Arroyo bilang House Speaker ay ginawan siya ng tribute video kung saan pinuri ng kaniyang mga kaalyado at mga kaibigan ang mga nagawa niya sa maikling panahon ng kaniyang pamumuno sa Kongreso.

Ang tribute video ay naka-post sa Facebook account ni Arroyo kung saan nagbigay ng maiikling pahayag sina Rep. Florida Robes (Lone District, San Jose del Monte), Rep. Sharon Garin (AAMBIS-OWA Party-list), at Rep. Fredenil Castro (2nd District, Capiz) ukol sa pamumuno ni Arroyo bilang House Speaker.

Kinilala nila ang pagsuporta ni Arroyo sa Administrasyong Duterte kaya umano naging epektibo rin ang kaniyang pamumuno sa Kamara. Kinilala rin ang impact ng performance ng dating pangulo sa iba pang mga mambabatas.

Imahe mula sa Facebook ni Gloria Macapagal Arroyo

Ayon kay Robes, ang kasipagan na ipinamalas ni Arroyo sa Kongreso ay nagsilbing inspirasyon sa mga mambabatas para lalo pang pagbutihan ang pagtatrabaho at paglilingkod sa bayan.

Dagdag pa niya, kahit binabatikos ng ilan ay marami pa rin ang nakauunawa sa dating pangulo. Kapag may mga pending na trabaho, tinitiyak umano raw ni Arroyo na mababalikan ito at mapag-aaralan kung makabubuti sa mga maralitang Pilipino.

Ayon naman kay Garin, alam na umano ni Arroyo ang gagawin nito sa tuwing darating sa Kongreso kaya talagang mag-eeffort ang mga mambabatas na mag-aral ding mabuti bago pumunta sa mga hearing.

Image capture mula sa Facebook video

Sinabi naman ni Castro, na ayaw niyang isipin na pamamaalam iyon para sa itinuturing niyang “a leader and a mother.”

Bukod sa pagiging unang babaeng speaker ng Kongreso, si Arroyo ay naging pangulo, pangalawang pangulo, at senador na rin.

Ilan sa mga naipasa niyang batas sa Kongreso ay “Organic Law for the Bangsamoro Autonomous Region,” “Act Liberalizing the Importation, Exportation and Trading of Rice,” at “Universal Health Care Act.”

Bababa ng puwesto si Arroyo sa Hunyo 30 na magsisilbi na rin na pagreretiro niya sa politika. Samantala, ang bagong House Speaker naman ay pagbobotohan sa Hulyo 22.