Gal Gadot, ipinasilip ang golden armor ni Wonder Woman sa social media




Larawan mula sa Instagram account ni Gal Gadot

Sa muling paglipad ng classic American superhero na si Wonder Woman noong 2017, mainit ang naging pagtanggap ng fans ng DC Comics kay Gal Gadot bilang aktres na nagbigay buhay sa papel ng comic heroine.

At dahil sa tagumpay ng unang bahagi ng kuwento ni Wonder Woman, inaabangan na ngayon ang ikalawang installment ng kuwento ng Amazonian warrior na bali-balitang lalakbayin ang nakaraan.

Larawan mula sa Instagram account ni Gal Gadot

Lalong naging malakas ang usap-usapan na magiging 80’s ang setting ng Wonder Woman II dahil sa latest Instagram post ng aktres na si Gadot na ipinakikita ang bagong armor ng superhero na ginagampanan.

Kita sa larawan ang kulay gintong costume ni Gadot bilang si Wonder Woman habang nakatayo sa isang background na makulay; isang simbolo ng makulay na outfits na nauso noong 80’s.

Ayon sa comic enthusiasts, ang kulay gintong costume ni Wonder Woman ay ang “Golden Eagle” armor; isang ceremonial battle armor na nagbibigay sa kanya ng kakayahang makalipad at hindi tablan ng bala ng kalaban.

Kalakip ng larawan ng golden suit ni Diana Prince, alter ego ni Wonder Woman, ay isang pahayag na hindi umano dadalo ang producers ng pelikula sa San Diego Comic Con (SDCC) na isang malaking conference ng mga fans ng comics at superheroes, at nagsisilbi naman daw surpresa ang pasilip ng bagong costume ni Wonder Woman.

“Although all of us at Warner Brothers won’t be seeing you at SDCC- Hall H this year. We are so excited for what’s to come. So until then, here’s a little gift from us to you,” sabi ni Gadot sa Instagram post niya na umabot na sa mahigit 2 million ang likes.

Larawan mula sa Instagram account ni Gal Gadot

Sinabi naman ng director at co-writer ng Wonder Woman movie na si Patty Jenkins, totoong sa taong 1984 ang setting ng latest installment ng pelikula dahil isang mahalagang yugto raw sa karera ni Wonder Woman ang panahong ito.

Nakatakdang ipalabas ang Wonder Woman II sa June 5, 2020 sa buong mundo at inaasahang malalagpasan nito ang kita ng part 1 na mahigit $412 million.