Duterte binigyang credit si Trillanes sa pagkapanalo ni Go bilang Senador




File photo

Binigyang kredito ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang kritiko na si Senador Antonio Trillanes IV sa pagkakapanalo ni Christopher “Bong” Go bilang Senador sa nakalipas na eleksyon.

File Photo/Public Domain

Ayon sa ulat ng ABS CBN,  sinabi ni Duterte na kaya nanalo si Go sa pagka-senador ay dahil sa pagpapatawag ni Trillanes sa pagdinig sa Senado.

“Sabi ko, sinong gumawa kay Bong na senador? Trillanes, ‘di ba? Pinatawag niya para bastusin niya, ‘yan ang style eh… Bastusin niya ‘yung tao, hiyain niya,” ayon kay Duterte.

Matatandaan na noong 2018 ay ipinatawag ni Trillanes si Go dahil sa diumano’y  multibillion-peso frigate weapons deal.

Nauna nang pinasalamatan ni Go si Trillanes sa pag-imbita sa kanya sa Senado kaugnay sa naturang isyu.

“Pasalamat rin ako kay Trillanes, kung hindi n’ya ako tinawag d’yan baka hindi ako naging senador ngayon,” ani Go.

Sa nakalipas na halalan ay nakakuha si Go ng 20,657,702 boto at nagtapos sa ikatlong rank. Ito ang unang pagsabak ni Go sa politika. Bago nito’y nagsilbi si Go bilang aide ni Duterte sa loob ng dalawang dekada.

Imahe mula sa Facebook account ni Bong Go

Samantala, ipinagtanggol ni Trillanes ang kanyang mga magulang makaraang iugnay ni Duterte sa korapsyon sa procurement ng Kevlar helmets sa Philippine Navy.

“Wagas magsinungaling si Duterte kasi natatandaan pa ng mga tao na ang mga substandard na Kevlar helmets na yan ay isa sa mga issues na inireklamo namin nung Oakwood incident.” ayon kay Trillanes.

Dagdag niya, kung may kinalaman ang kanyang mga magulang sa isyung iyon, “dapat noon pa lang, inilabas na ni GMA ‘yan at ginamit laban sa ‘kin.”

Mariin niyang inihayag na ang kanyang tatay ay nagretiro noong 1988 at yumao noong 1998. Hindi rin umano ito na-assign sa PMA.