DepEd, may paalala sa mga gurong mareklamo sa social media

Imahe mula sa Facebook page ng DepEd

May wastong lugar at proseso para talakayin o bigyang-solusyon ang isang isyu o suliraning administratibo.

Ito ang nais ipaalala ng Department of Education (DepEd) matapos silang mabatikos nang mag-viral sa social media ang reklamo ng isang guro.

Umani ng batikos ang DepEd nang isiwalat sa social media ng gurong si Maricel Herrera ng Bacoor National High School (BNHS) ang pinagdadaanan nila ng mga kasamahang guro. Napilitan umano sila na gawing faculty room ang apat na comfort room ng paaralan.

Dahil dito, pinaalalahanan ng DepEd ang lahat ng guro at personnel ukol sa “appropriate administrative procedures” sa paglutas ng mga isyu at problema sa kanilang paaralan.

Ayon sa statement ng Deped, “The situation arose when the school implemented its decision to move to single-shift classes this school year. This resulted in faculty rooms, intended originally as classrooms, needing to be converted back into additional classrooms to realize the policy.”

Imahe mula sa Facebook page ng DepEd

Ipinaliwanag din ng DepEd na noong Mayo 27, bago pa man magsimula ang klase, ay nakipag-usap na ang school principal na si Anita Rom sa 11 guro na nagsisiksikan sa ‘faculty room.’ Ang mga guro ay inalok umano ni Rom na mag-opisina sa library, conference room, at social hall ng paaralan.

“Concrete steps have been undertaken to resolve any conflict in the interest of orderly operations of the school,” dagdag pa ng DepEd.

Ang paggamit ng mga CR bilang faculty room ay isa lamang sa mga isyung kinaharap ng DepEd sa pagbubukas ng school year 2019-2020. Ang kakulangan sa mga silid-aralan at iba pang pasilidad ay matagal na ring problema sa bansa.

Samantala, nagbanta rin ang BNHS school principal na kakasuhan nila ng administratibo, cyber libel, at destruction of government facility si Herrera. Ang ginawang pag-post nito sa social media ay nakasira umano sa imahe ng paaralan at ng buong DepEd.

Imahe mula sa Facebook account ni Maricel R. Herrera

Ayon sa report ng ABS-CBN, nilinaw umano ni Herrera na hindi niya intensiyon na siraan ang paaralan. Gayunman, may mga post ito sa kaniyang Facebook account na tumutuligsa sa kakulangan ng aksiyon at suporta ng DepEd sa mga katulad niyang guro.

“DepEd, nakikita mo ba talaga ang kalagayan ng mga teachers mo? Kung gusto mo ng quality education, ‘wag mo namang kalimutan ang mga teachers. Bigyan mo naman ng dignidad,” saad sa isa sa mga Facebook posts ni Herrera.