Dating ‘Birit Baby’ champion Jude Matthew Servilla sa Eat Bulaga!: “Pinag-aral po nila ako, pinatira sa magandang bahay”




Larawan mula sa Instagram account ni Jude Matthew Servilla
  • Muling nagbalik sa Eat Bulaga! ang isang Birit Baby champion upang ibahagi ang istorya ng kanyang buhay
  • Nagbago ang buhay ni Jude Matthew Servilla dahil may maayos na silang bahay
  • Nakapag-aaral na rin siya sa magandang eskwelahan at malapit nang matapos sa kolehiyo

“Hangga’t may bata, may Eat Bulaga!”

Ito ang motto ng longest-running noontime show sa bansa na ‘Eat Bulaga!’ kaya maliban sa mga segment na nagbibigay ng tulong sa mga kapus-palad nating kababayan, hindi nawawala ang mga pa-contest para sa mga bata upang matulungang maabot ang kanilang mga pangarap.

Kamakailan lamang, muling bumalik sa noontime show ang isa sa mga naging champion ng isa nilang singing contest upang ibahagi ang malaking pagbabago sa buhay niya simula nang manalo sa Eat Bulaga!

Sa segment na ‘Boom!’ ay naibahagi ni Birit Baby 2009 grand winner Jude Matthew Servilla ang kanyang kuwento na puno ng inspirasyon.

Larawan mula sa Instagram account ni Jude Matthew Servilla

Ayon kay Servilla na muling nagbabalik sa Eat Bulaga! matapos ang isaang dekada, nagbunga ang kanilang pakikipagsapalaran mula sa Negros Occidental dahil mula sa mahirap na buhay-probinsya, ngayon ay mayroon nang bahay at nakapag-aaral siya sa magandang ekswelahan.

“Sa ngayon po ay nag-aaral ako sa UP Diliman ng Theater and Arts, so mas umaarte po ako ngayon,” sabi ni Servilla na aktibo sa iba’t ibang dula at ilang television commercial stints.

Dagdag pa ng Dabarkads singing champion, masaya siyang nagbago ang takbo ng buhay nila dahil mula sa binabaha nilang bahay, mayroon na silang mas maayos na tinutuluyan ngayon nang dahil sa tulong nina Vic Sotto at iba pang bumubuo ng Eat Bulaga!

“Mula po ako sa Negros Occidental. So ‘yung bahay po namin doon ay binabaha and everything. Tapos pumunta po kami rito at nakipagsapalaran po kami sa Eat Bulaga at pinalad po akong manalo,” bungad ni Servilla nang tanungin ni Maine Mendoza ng kanyang kuwentong Eat Bulaga!

Larawan mula sa Instagram account ni Jude Matthew Servilla

“Tapos binago po ng Eat Bulaga ang buhay ko. Pinag-aral po nila ako. Pinatira sa magandang bahay… at binigay po nila yung life na gusto ko para sa family ko so… changed!” pagpapatuloy ni Servilla.

Nagwagi si Servilla sa Birit Baby nang awitin niya ang classic hit ni Wency Cornejo na “Hanggang.”