Cherie Gil sa mga baguhang artista: “Don’t call me Tita!”

Imahe mula sa Instagram account ni Cherie Gil

Muling ipinagdiinan ng “La Primera Contravida” na si Ms. Cherie Gil ang mga linyang “Don’t call me Tita!” sa teaser ng StarStruck Season 7.

Paliwanag ni Cherie, malalim ang karanasan niya sa isyung ito at hindi basta punchline lang na kanyang binitiwan. Hindi umano siya nagbibiro.

Naging viral ang “Don’t Call Me Tita” post ni Cherie noong Disyembre 2018 na pahaging sa mga nagiging kasamahan niya sa proyekto, lalo na ang mga “baguhan” pa lamang, na tumatawag sa kanya ng tita.

Imahe mula sa Instagram account ni Cherie Gil

Sa naganap na press conference ng StarStruck Season 7 kung saan makakasama ni Cherie sina Heart Evangelista at Jose Manalo sa Council o magiging hurado, naisalaysay niya na ang kanyang “hugot post” tungkol dito ay bunga ng kanyang “mood swing” pagkagising niya sa umaga.

“Ang unang-unang inilagay ko, ‘Never call me Tita.’ Tapos, ipinasa na ni Lea Salonga, she posted it and shared it and, somehow, it became viral to the point na blogs were written about it,” paliwanag ni Cherie.

Dagdag pa niya: “It became a social issue. Yun pala, marami na ang nag-a-identify sa akin na mga women my age, who actually find it awkward to be called tita just because it’s meant that you’re older.”

Wala raw karapatan ang sinumang hindi niya kaanak na tawagin siyang tita.

“So what gives you the right to address someone as tita? So yun, naging usap-usapan, dun na nag-start,” paliwanag ng mahusay na aktres.

Para kay Cherie, ang mga may “K” lamang na tumawag sa kanya ng tita ay mga kakilala niya, tulad ng kanyang mga pamangkin at mga anak ng kaibigan ng kanilang pamilya.

Hindi rin katanggap–tanggap kay Cherie na tatawagin siyang tita ng sinuman na hindi pa nagpapakilala sa kanya. Hindi raw nangangahulugang nakita na sa TV ay kakilala na niya.

“Hindi pa nga nagpapakilala sa akin, Tita na agad ang tawag. Ayoko na ng ganoon, ‘di ba? Just because you appeared on TV, I’m supposed to know you?”

Aminado rin ang aktres na may mga baguhang artista na siyang napagsabihan hinggil dito. Pabiro naman daw niyang sinasabi. Tinatanong niya kung pamangkin daw ba niya sila.

Hindi rin gusto ng award-winning actress ang paghalik sa kanya ng mga artista bilang pagbati.

“Never ever kiss me in greeting, out of so called politeness and courtesy, if I don’t know who the hell you are! Introduce yourself first!” ang babala ni Cherie.

Mas ayos daw kay Cherie na magmano na lamang sa kanya kaysa makipagbeso, lalo na sa mga baguhang artista.

Ang StarStruck season 7 ay magsisimula na sa Hunyo 15, 2019, tuwing Sabado at Linggo ng gabi sa GMA Network. Ang magho–host nito ay sina Kapuso stars Dingdong Dantes at Jennylyn Mercado.

Imahe mula sa Instagram account ni Cherie Gil