#BitoyStory: Ang kuwento sa likod ng matabang utak ni Michael V




Mga imahe mula sa Instagram account ni Michael V

Muling nagpakitang-gilas si Michael V aka “Bitoy” sa latest music video parody nito ng Buwan ni JK Langpo na pinamagatan niyang Naman. Laging viral ang music video parody ni Bitoy dahil sa kaniyang wittiness sa pagsulat ng lyrics at sa ganda ng kaniyang boses.

Si Bitoy, Beethoven del Valle Bunagan sa tunay na buhay, ay isang multi-talented comedian, musician, artist, at vlogger.

Paano nga ba nagsimula sa industriya si Bitoy?

Sa panayam ng Pep, sinabi ni Bitoy na marami siyang pinangarap habang unti-unti niyang nadiskubre ang kaniyang mga talento.

Nang madiskubre niyang mahilig siyang mag-drawing, sinabi niya umano sa kaniyang tatay na gusto niyang mag-aral ng Fine Arts. Gayunman, dahil kapos sa badyet ay pinapili siya ng mas abot-kayang kurso at naisip niyang perfect para sa kaniya ang kursong Mass Communication.

Imahe mula sa Instagram account ni Michael V

Nakapag-aral siya sa kursong ito sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila kung saan naging iskolar din siya.

Ang 49-taong-gulang na komedyante ay nagsimula sa showbiz noong 1992 bilang rapper hanggang sa lumabas na rin siya sa mga pelikula at mga programang pantelebisyon.

Isa rin siya sa mga original main cast ng Bubble Gang na halos 24 taon na sa ere. Kasalukuyan din siyang mapapanood sa Pepito Manaloto ng GMA 7.

Ano ang bago ngayon kay Bitoy?

Dahil pinangarap niyang gumawa ng sariling pelikula, naghintay siya ng tamang pagkakataon para iyon ay matupad na natupad ngayong 2019. Nai-prodyus niya ang pelikulang Family Venture kung saan siya rin ang writer, director, at lead star.

Imahe mula sa Facebok ni Michael V

“Feeling ko, it’s about time. Kasi siguro challenge din sa sarili ko na ‘gawa naman ako ng something new.’ Kasi for the past 10 years, wala na akong ginawang pelikula,” sinabi ni Bitoy sa panayam ng Pep.

Na-inspire din umano si Bitoy sa kapuwa niya comedian na si Ogie Alcasid na nakagawa ng pelikulang Kuya Wes (2018).

“Nasabi ko, ‘bakit itong kaibigan ko, ang lakas ng loob?’ Tapos nakapag-produce, nakalabas sa ganiong klase na pelikula,” dagdag pa ni Bitoy.

Sa tingin din ni Bitoy, ito na ang panahon para sa mga katulad niya na gumawa ng matapang na desisyon para magkaroon ng panibagong marka sa showbiz.

Simula rin noong 2018, napapanood na rin sa social media ang kaniyang mga vlogs na #BitoyStory.

“Persevere at ‘yung passion ninyo dapat hindi mawala. Basta kung gusto ninyo, pagtrabahuhan,” payo ni Bitoy sa mga nais magsimula sa showbiz.

Source :

Pep, YouTube, GMA