Birthday boy Bong Go namahagi ng biyaya sa Davao City bilang pasasalamat




Imahe mula sa Facebook page ni Bong Go

Nagdiwang ng kaniyang kaarawan ang senator-elect Bong Go sa Davao City noong Biyernes, Hunyo 15. Binisita rin niya ang tatlong distrito ng siyudad upang pasalamatan ang mga Dabawenyo sa pagsuporta sa kaniya noong eleksiyon.

Ayon sa report ng Manila Bulletin, sinabi ni Go na nais niyang ibalik sa mga tao ang blessing niya sa pagkakapanalo bilang senador. Ipinaliwanag din niya na iyon ay bilang pasasalamat na rin sa mga Dabawenyo dahil sinuportahan siya at si Pangulong Rodrigo Duterte.

Namigay rin siya ng mga munting regalo sa mga batang lansangan at sa mga katutubong pangkat sa Davao City.

Namigay rin siya ng meryenda sa mga bilanggo sa city jail sa paniniwalang mabibigyan pa rin sila ng pagkakataon na magbagong-buhay.

Magkaroon ng mabuting kalusugan naman ang birthday wish ni Go upang mapaglingkuran niya nang lubusan ang mga Pilipino.

Imahe mula sa Facebook page ni Bong Go

“Wala akong ibang birthday wish kundi sana mabigyan kami ni Pangulong Duterte ng mabuting pangangatawan para makapagbserbisyo pa kami nang husto sa kapwa naming Pilipino,” sabi ni Go.

Samantala, nang tanungin siya ukol sa senate committee na nais niyang pangasiwaan ay matutuwa na umano siya kung papayagan siya ng mga kapuwa niya senador na maging chair siya ng Committee on Health, and Committee on Urban Planning, Housing and Resettlement.

“Isa talaga sa top priority ko ang mas lalong pagpapabuti ng medical and health care services sa bansa. Nauuna na talaga riyan ang mungkahi kong magkaroon ng mga Malasakit Center sa bawat lalawigan at sa malalaking lungsod,” paliwanag pa ng senador.

“Mayroon na tayong 34 na Malasakit Centers sa buong bansa. Ang Malasakit Center ay isang experimental initiative ng Office of the President. Nais ko sanang maisabatas ito para ma-institutionalize kahit tapos na ang termino ni Pangulong Duterte,” dagdag pa ni Go.

Imahe mula sa Facebook page ni Bong Go

Nais din umano niyang mabigyan ng solusyon ang mga suliranin sa mga pabahay dahil nais niyang magkaroon ng ligtas at murang bahay ang pamilyang Pilipino.

Ang 21 taon niya sa public service bilang suporta sa pangulo ay nais niyang ipagpatuloy sa Senado. Nakahanda na rin umano siyang paglingkuran ang sambayanang Pilipino.