Bakit kailangan nating mag-unfriend ng mga ‘kaibigan’ sa Facebook?

Imahe mula sa Pexels

Unfriend friends ang isa sa mga maaaring gawin sa Facebook.

Ayon sa isang pag-aaral, may tatlong pangunahing dahilan kung bakit may mga taong nag-a-unfriend sa Facebook: unimportant topics, inappropriate content, at posting frequently.

Gayunman, lumabas din sa pag-aaral na madalas ding i-unfriend ng mga Facebook users ang kanilang mga kaibigan na iba ang pino-post sa behavior nito offline, tulad ng pagkakaroon ng masamang ugali at hindi kaaya-ayang gawi.

May mga Facebook users din umano na ‘naglilinis’ ng kanilang friend lists upang mapagtibay ang pakikipagkaibigan sa mga tunay niyang kaibigan online man o offline.

Sa aking panayam sa dating ka-trabaho na itago na lamang natin sa pangalang Clara, inamin niyang dumating talaga siya sa phase na pakiramdam niya ay kaplastikan lang ang Facebook.

Imahe mula sa Pexels

Tatlong bagay ang ibinigay niyang dahilan kung bakit nag-unfriend siya ng mga ‘kaibigan’ sa social media.

“Kasi naiinggit ako sa success ng batch mates ko noon,” pag-amin ni Clara. Pakiramdam umano niya ay masaya ang mga ito at successful sa piniling career.

Ang mga batch mates na tinutukoy ni Clara ay lagi umanong nagpo-post ng kung ano-anong bagay na parang sinasadya talagang ipakita kung gaano sila ka-blessed sa buhay.

Pangalawang dahilan ni Clara ay ang pakiramdam niya umano ay hindi naman talaga sila close o magiging close ng ‘kaibigan.’

Pangatlong dahilan niya ay pagod na siyang makipagkaibigan sa taong lagi siyang inaaway o sinisiraan kapag siya ay nakatalikod.

“Kasi nagkaaway talaga kami sa personal at sa tingin ko ay never na kaming magkakabati,” paliwanag ni Clara.

Imahe mula sa Pexels

Ngayon, mas palagay na umano ang kalooban ni Clara dahil ‘malinis’ na ang kaniyang Facebook list. Mula sa 1,000 ay naging 600 na lamang ang kaniyang Facebook friends. Mas may peace of mind na raw siya ngayon.

Dagdag pa ni Clara, dumating din sa punto na nag-deactivate siya ng Facebook account. Aniya, ganoon daw yata talaga kapag dumadaan sa quarter life crisis.

Dahil nalampasan na ni Clara ang quarter life crisis, unti-unti niyang na-realize na kailangan niya ng mga koneksiyon sa Facebook lalo na at kailangan niya iyon sa kaniyang bagong business.

Ikaw, ano kaya ang mga posibleng dahilan para “maglinis” ka rin ng iyong friends list?