Babaeng may dalawang relihiyon, naghatid ng inspirasyon

Imahe mula sa Facebook account ni Arizza Nocum

Isa sa maseselang mga paksa sa daigdig na ito ang usaping relihiyon. Sabi nga, kwestyunin mo na ang lahat, huwag lamang ang pananampalataya ng isang tao.

Pinag–usapan sa social media ang Facebook post ng isang babaeng nagngangalang “Arizza Nocum” noong Mayo 29, 2019 kung saan ibinahagi niya ang pagkakaroon ng dalawang relihiyon: ang pagiging Katoliko at Muslim. Ayon sa kanya, “I’ve always said that my feet step in two worlds.” Ginawa niya ito para sa huling araw ng paggunita sa Ramadan.

Salaysay ng netizen, nakuha raw niya ang pagiging Katoliko sa kanyang ama na tubong Zamboanga, na isang dating seminarista, na nagpapaalala sa kanya ng “El temor de Dios” na nasa wikang Chavacano na nangangahulugang “Fear of God.”

Imahe mula sa Facebook account ni Arizza Nocum

Sa kabilang “mundo” naman, natutunan niya ang pagsusuot ng “hijab”, tradisyunal na kasuotan ng mga babaeng Muslim, sa salinlahi ng kanyang ina, na lumaki mula sa bayan ng Siasi sa Sulu. Ang kanyang ina ay isang Tausug na kilala sa mataas na paggalang sa pananampalatayaa, katapangan, at pagmamalasakit.

Sa kabila ng pagkakaiba sa pananampalataya, hindi ito naging hadlang para mabuo ang pagmamahalan at paggalang ng kanyang mga magulang sa isa’t isa upang makabuo ng mas masayang pamilya.

Bilang Katoliko, naranasan daw ni Nocum na gunitain ang Semana Santa at ipagdiwang ang Pasko sa pamamagitan ng Noche Buena.

Sa kabilang banda, bilang Muslim naman daw ay nakikiisa siya tuwing may mga Muslim holidays; gayundin ang pagdarasal ng limang beses sa isang araw.

Imahe mula sa Facebook account ni Arizza Nocum

Bilang paggalang sa dalawang relihiyon, wala rin silang anumang “religious symbols” sa kanilang bahay upang mapanatili ang “neutral ground”. Walang sinumang pinahihintulutang kumain ng karne ng baboy, maliban sa kanyang ama.

Kapag may pinagdaraanang suliranin, nakaririnig siya ng dalawang lectures mula sa kanyang mga magulang — ang isa ay batay sa katuruan ni Hesukristo at ang isa naman ay batay sa Quran.

Sabi ni Nocum: “But what I loved the most growing up in these two worlds was the fact that I saw more of the common humanity across these two religions rather than their differences.”

Dagdag pa niya: “Every Filipino can do a better job at remembering that the Philippines is a country of many faiths and cultures – each one as vibrant and worthy of admiration as the rest. The next time we think of stereotypes, belittle or ostracize, or label a person because of what we see in the media, I hope we can think twice.”

Imbes na ituring niya itong “kakaiba”, nakita niya ito bilang oportunidad upang makita at mapag–aralan ang dalawang magkaibang paniniwala.

Sabi nga, higit na mahalaga ang personal mong relasyon o ugnayan sa kinikilala mong Panginoon kaysa sa anumang porma ng sekta o relihiyon.