Pagsaludo: Araw ng Kalayaan ng Pilipinas, ginunita sa Dubai

Mga imahe mula sa Facebook account ni Virgie Romuar

Lubos ang kagalakan ng mga overseas Filipino workers (OFWs) sa Dubai, United Arab Emirates (UAE) nang makita nila sa Burj Khalifa, pinakamataas na building sa buong mundo, ang isa sa mga simbolo ng pagiging malaya ng mga Pilipino.

Idinisplay kasi sa ‘magic innovation LED show’ ng 160-storey building ang watawat ng Pilipinas na  pumukaw ng pansin at nagpaalab ng damdaming maka-Pilipino ng mga OFW doon, maging ng mga netizens.

Ayon sa Facebook post ni Virgie Romuar, “First time in the history of UAE! Philippine flag in Burj Khalifa & Dubai Festival City! Yung naririnig mong nagsisigawan ang mga kababayan mo. Ramdam mo ang Pinas!”

Imahe mula sa Facebook page ng Dubai Festival City Mall

Ayon naman sa Facebook post ni Armand Dean Nocum I, “I am so happy and thankful to the management and staff—some of whom maybe Filipinos—of the Burj Khalifa in Dubai for honoring us by displaying the Philippine flag in neon lights during our Independence Day celebration.”

Ito ang unang pagkakataon na ginunita sa Dubai ang Araw ng Kalayaan ng Pilipinas kung saan itinampok doon ang mga pagkakakilanlang Pilipino.

Samantala, sa pangunguna naman ng pamunuan ng Dubai Festival City Mall —i sa sa mga pinakapopular na shopping mall sa UAE — ay inilunsad nila ang espesyal na live multimedia show na tinawag nilang “Imagine.”

Ang “Imagine” ay pinasinayaan noong Hunyo 12 na nagsimula ng 9:00 pm hanggang 10:00 pm. Mula Hunyo 13-15 naman ay mapapanood ito mula 7:30 pm hanggang 12:00 am. Bukás at libre ito sa publiko.

Imahe mula sa Facebook account ni Virgie Romuar

Ayon sa report ng Philippine Star, “The show included dancing fountain show, laser light and sound technologies, and water-screen projections with video mapping projection.”

Ipinakita rin dito ang mga imahen ng mga katutubong Pilipino at ng mga sikat na personalidad na nagbigay ng karangalan sa Pilipinas tulad nina 2018 Miss Universe Catriona Gray at ‘pambansang kamao’ Senador Manny Pacquiao. Ginamit ding background music ang “Bahay Kubo.”

Kinilala naman si Paul Raymund Cortes, Consul-General ng Pilipinas sa UAE, ang team effort ng Dubai Festival City Mall para sa natatanging pagkilala sa mga Pilipino.