Apat na mga baguhang senador, dumalo sa ‘unang klase’ nila sa senado

Imahe mula sa Facebook page ni Senator Bong Go
  • Bago magsimula ang 18th Congress, nagkaroon ng senate orientation ang apat na baguhang senador
  • Kabilang dito ang mga senador na sina Ronald dela Rosa, Christopher Go, Imee Marcos at Francis Tolentino
  • Bahagi ng oryentasyon ang mga dapat nilang malaman sa pagproseso ng paggawa ng mga batas

Tulad ng mga baguhang estudyante, dumaan din ang apat na mga baguhang senador sa oryentasyon bago simulan ang kanilang mga tungkulin at responsibilidad sa pagbubukas ng 18th Congress sa Hulyo 22.

Ang mga dumalo sa oryentasyon na ginanap noong Hunyo 25 sa loob ng Senado ay sina senator-elect Ronald dela Rosa, Christopher Go, Imee Marcos, at Francis Tolentino.

Kasama ang kani-kanilang staff, sumailalim sila sa isang closed-door orientation na pinangunahan ng tanggapan ng Senate Secretary na si Myra Villarica.

Imahe mula sa Facebook page ni Senator Bong Go

Ang oryentasyon ay nagsimula ng 9:30 ng umaga hanggang 12:00 ng tanghali. Si Tolentino umano ang unang nakarating sa apat, habang si Marcos ang pinakahuli.

Ilan sa mga pangunahing layunin ng oryentasyon ay ang ipaalam sa mga baguhan ang mga pangkalahatang panuntunan sa Senado at ang mga proseso sa pagbuo at pagpapasa ng batas.

Ang mga baguhang senador ay magsisimula muna sa mga minor committees sa Senado. Katunayan, ayon sa ulat ng Rappler ay sinabi ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na kailangan munang mag-aral ng mga baguhan bago sila bigyan ng mas malalaking tungkulin sa mga major committees.

Samantala, nagkaroon din ng pagpupulong ang bawat senador sa iba’t ibang senate committees kung saan may mahahalagang papel silang gagampanan.

Imahe mula sa Facebook page ni Senator Bong Go

Ayon naman sa ABS-CBN, nakipagpulong si dating Metropolitan Manila Development Authority chairman na si Francis Tolentino sa committee on local government kung saan siya ay inatasan bilang pangalawang tagapangulo.

Ang dating Philippine National Police chief na si dela Rosa ay nakipagpulong naman sa committee on public order and danger0us drugs na pangungunahan niya bilang tagapangulo.

Ang dating ‘special assistant to the president’ na si Go ay nakipag-usap sa committees ng health, housing and games secretariat.

Si Marcos, dating gobernador ng Ilocos Norte, ay nagkaroon naman ng briefing sa committee secretaries on electoral reform economic affairs.

Ang apat na senador ay magkakasama sa iisang partido — ang Hugpong ng Pagbabago.