Larawan ng amang may ‘proteksyon’ habang nagtatrabaho, naghatid ng inspirasyon




Imahe mula sa facebook account ni Keith Anderson/Public Domain Image

Isang nakaaantig na kuwento ang pumukaw sa Araw ng mga Ama o “Father’s Day”, hinggil sa isang Facebook post na nagpapakita sa isang lalaki na tila isang “lineman” na binigyan umano ng laruang pakpak ng kanyang anak na babae bilang proteksyon sa kapahamakan.

Ayon sa Facebook post ng netizen na si Keith Anderson noong Hunyo 5, 2019, makikita ang isang nakatalikod na lineman na may nakasukbit na laruang pakpak sa kanyang likuran. Batay sa caption, ginawa at bigay ito ng kanyang anak na babae nang malaman nito kung gaano kapanganib ang kanyang trabaho.

“His young daughter found out what he did for a living, so she made him wings so he would be safe. And a good dad will wear his daughter’s wings.”

Imahe mula sa Facebook account ni Keith Anderson

Naantig naman ang kalooban ng mga netizens sa naturang larawan at sa kakabit nitong kuwento, na hindi naman matukoy kung saang bansa nagmula. Ang mahalaga ay ang simbolo nito sa buhay ng isang pamilya.

“Awesome great daddy!”

“This is so awesome and adorable! Ganito ang dapat na ishineshare, hindi yung kung ano–anong bagay na nagdadala ng negative thoughts and vibes.”

“Sweet daughter to his great dad!”

“Happy Father’s Day to you! Kudos to your daughter!”

Mahirap ang trabaho ng pagiging lineman. Sila ang nagkakabit, nag–aayos, at nagme–maintain ng mga kable ng kuryente, telepono, o internet. Bago sumabak sa pagiging lineman, kinakailangan munang sumabak sa matinding trainings, lalo na’t mapanganib ang gawaing ito.

Kailangang mapaglabanan ng mga lineman ang kanilang “acrophobia” o takot sa matataas na bagay, tulad ng poste ng mga kuryente o gusali. Bilang bahagi ng kanilang training, kinakailangan nilang matutong tumuntong o lumakad sa ibabaw ng mga kable, na para bang mga gagamba.

Public Domain Image

Nagsimula ang trabahong ito nang maimbento ang paggamit ng telegrapo o telegraph noong 1840’s sa ibang bansa.  Ang mga kable ng telegrapo ay isinasabit lamang noon sa mga puno. Umusbong pa ito nang maimbento naman ang telepono.